Monday, July 03, 2006

Ang Bato at Ang Buhangin

Simbulo ng tibay at kalakasan, ng dupok at ng kahinaan.

Ginamit rin ang buhanging simbulo ng kalipunang hindi mabibilang, ginamit ng PANGINOON ang salitang Bato at Buhangin upang mailagay doon ang Kaniyang Salita sa pamamagitan ng talinghaga tulad ng Salitang Kaniyang ipinangaral sa aklat ng


MATEO 7:24-27

Mat 7:24-27 Kaya't ang bawa't dumirinig ng aking mga salitang ito at ginaganap, ay matutulad sa isang taong matalino, na itinayo ang kaniyang bahay sa ibabaw ng bato: 25 At lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at hindi nabagsak: sapagka't natatayo sa ibabaw ng bato. 26 At ang bawa't dumirinig ng aking mga salitang ito at hindi ginaganap, ay matutulad sa isang taong mangmang, na itinayo ang kaniyang bahay sa buhanginan: 27 At lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at nabagsak: at kakilakilabot ang kaniyang pagkabagsak.



Ang mga talatang ito ng banal na kasulatan ay matagal na nating nababasa at naririnig, Ngunit mayroon bang bakas ng pagka-unawa at kaalaman na naiwan ito sa ating puso at isipan mga kapatid?

Ano ang inyong isasagot? Mayroon o wala, ang pagsagot dito mga kapatid ay hindi basta sasagot ka nalang ng mayroon o wala! Sapagkat hindi sa lahat ng tanong ay bibig at salita ang isinasagot, sapagkat ang bibig at salita ay naitatago ang katotohanan, sa salita kahit ang tubig at buhangin ay malulubid mo, kahit ang kanin ay maari mong balutin sa dahon ng sampalok, datapuwat mayroong isang sumasagot sa mga tanong na hindi nakakaila at hindi nagsisinungaling kailanman. Mga kapatid, at ang ating sarili ang sasaksi sa kaniya na ang lahat ng kaniyang sinasabi ay totoo!!!


Kilala ba ninyo siya? Sino siya mga kapatid? Siya ang ating budhi na nagsasabi sa iyo kung masama o mabuti ang ginagawa mo at sinasabi.


Kaya sa ating katanungan ngayon ay siya ang sasagot at alam mo, alam ko, at alam nating lahat na ang sasabihin niya ay totoo.
Ngayon mga kapatid, alam natin na ang ating bahay sa harap ng DIOS ay ang ating pananampalataya sa Iglesia, at ang pananampalataya nating ito ang pag-aaralan natin kung saan nakatayo ngayon, sa Bato ba o sa Buhangin?


Ngayon, kung ang iyong bahay ay sa bato natayo, Bakit naging matibay ang pagkakatayo nito? Ano ba ang batong ito? At sino ba ang unang nagtayo sa batong ito at ano ang itinayo?


MATEO 16:18

Mat 16:18 At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.



Saan itinayo ng PANGINOON ang Kaniyang Iglesia? Sa ibabaw ng Bato, anong bato ito na pinagtayuan Niya ng Kaniyang Iglesia?


MGA AWIT 28:1

Psa 28:1 Sa iyo, Oh Panginoon, tatawag ako; bato ko, huwag kang magpakabingi sa akin: baka kung ikaw ay tumahimik sa akin, ako'y maging gaya nila na bumaba sa hukay.



Ano naman ang sinasabi ni propeta Habacuc hingil dito?


HABAKKUK 1:12

Hab 1:12 Di baga ikaw ay mula sa walang hanggan, Oh Panginoon kong Dios, aking Banal? kami ay hindi mangamamatay. Oh Panginoon, iyong itinakda siya ukol sa kahatulan; at ikaw, Oh Malaking Bato, ay iyong itinatag siya na pinakasaway.



MGA AWIT 18:31

Psa 18:31 Sapagka't sino ang Dios, liban sa Panginoon? At sino ang malaking bato maliban sa ating Dios?



MGA AWIT 62:2

Psa 62:2 Siya lamang ang aking kanlungan at aking kaligtasan: siya ang aking matayog na moog; hindi ako lubhang makikilos.



MGA AWIT 62:7

Psa 62:7 Nasa Dios ang aking kaligtasan at aking kaluwalhatian; ang malaking bato ng aking kalakasan, at ang kanlungan ko'y nasa Dios.



Maliwanag na mga kapatid na ang sinasabing Bato na pinagtayuan ng isang taong matalino ng kaniyang bahay ay ang PANGINOON, kung kaya kahit na bagyuhin ang bahay na iyon ay hindi matitigatig, hindi nauuga, ni hindi nakikilos ni bahagya man lamang, sapagka't DIOS ang kinatatayuan,

"NGAYON"

Bakit ang bahay na natayo sa buhangin ay bumagsak at kakilakilabot ang pagbagsak?

Ano ba ang buhangin at Sino ang Buhangin?
Pag aralan natin mga kapatid ang isinisimbulo ng buhangin kung Ano at Sino?


HEBREO 11:12

Heb 11:12 Kaya naman sumibol sa isa, sa kaniya na tila patay na, ang kasing dami ng mga bituin sa langit sa karamihan, at di mabilang na gaya ng mga buhanging nasa tabi ng dagat.



JEREMIAS 33:22

Jer 33:22 Kung paanong ang lahat na natatanaw sa langit ay hindi mabibilang, o matatakal man ang buhangin sa dagat; gayon ko pararamihin ang binhi ni David na aking lingkod, at ang mga Levita na nagsisipangasiwa sa akin.


Ano ang nangyari ng dumating at maganap ang pagdaming ito?


ROMA 9:27

Rom 9:27 At si Isaias ay sumisigaw tungkol sa Israel, Kung ang bilang man ng mga anak ng Israel ay maging tulad sa buhangin sa dagat, ay ang nalalabi lamang ang maliligtas:



Ang mga bagay na iyan ay inihula na ni Propeta Isaias noon pa mang kaniyang kapanahunan bilang propeta.


ISAIAS 10:22

Isa 10:22 Sapagka't bagaman ang iyong bayang Israel ay magiging parang buhangin sa dagat, ang isang nalabi lamang sa kanila ang manunumbalik: ang pagkalipol ay naipasiya, na magtataglay ng katuwiran

.



Iisinimbulo ng DIOS ang buhangin sa mga taong walang pirming panukala, walang pirma at matibay na salita at paninindigan at higit sa lahat ay walang pirmi at matibay na pananampalataya, na siyang doktrina ng DIOS, sapagkat pilit niyang isinisigaw ang doktrina ng DIOS s=dahil sa kaniyang sariling kapakinabangan, sariling pakinabang ng tiyan.


Iba ang kaniyang sinasabi ngayon at bukas makalawa ay iba na ang sasabihin na sumasalungat sa kaniyang sinabi ng una.
Ang mata ng ganitong mangangaral mga kapatid ay hindi tumitingin sa puso ng kaniyang inaaralan kundi sa bulsa ng kaniyang dinudoktrinahan, kung mayroon siyang makukuha o may malaking halagang maibibigay ito sa kaniya, at kung mayroon ito ang kaniyang pinahahalagahan ng higit sa iba, Sa husay ng pagpapaliwanag ng mangangaral na ito ay napapahanga ang mga taong sa kaniya'y nakikinig, upang sa kanya maniwala ang tao at hindi sa DIOS.


Mga kapatid, Ano ang ibig sabihin ng DIOS sa pagtatayo ng tao ng kaniyang bahay, na ang isa'y itinayo sa ibabaw ng bato at hindi natinag sa bagsak ng ulan at baha? At ang isa naman ay nagtayo sa ibabaw ng buhangin at nang bumagsak ang ulan at bumaha ay naging kakilakilabot ang pagbagsak nito.

Walang bato sa banal na evangelio maliban sa PANGINOON, mga kapatid, at kung sa pakikinig mo ng Salita ng DIOS, ikaw ay nagbasa ng evangelio at nang malaman mong totoo ang iyong mga narinig na aralin at nalaman mong iyon ang salita ng katotohanan, at matapos mong mabautismuhan ay iyong ginawa ang mga Salita ng DIOS dahil sa katotohanan: ang iyong bahay na siya mong pananampalataya ay itinayo mo sa ibabaw ng bato na ang batong iyong pinagtayuaan ay ang DIOS na buhay.

Datapuwat kung ikaw ay nagpabautismo dahil sa humanga ka sa husay at galing ng pagsasalita at pagbabasa ng Biblia ng pakikinggan mong mangangaral, at kung dumarating ang oras ng pagkakatipon ay hindi ka magpapahalaga sa ibang tagapagsalita ng Iglesia, ikaw ang nagtatayo sa bahay sa buhangin na siya mong pananampalataya, kaya kung ikaw ay makakita ng mali o kamalian sa gawa ng iyong kapatid, lalo na kung ang tagapagsalita ay matitisod ka agad, at kung medyo may kalakihang pagkakamali ang iyong makita, ay para kang hinipan ng malakas na hanging sapat na ikabagsak ng iyong bahay o pananampalataya. Dahil ito ay isinalig mo sa tao at hindi sa DIOS.


Isinalig mo sa buhangin hindi sa bato
Isinalig mo sa kasinungalingan hindi sa katotohanan
Isinalig mo sa laman hindi sa Espiritu
Isinalig mo sa kataasan hindi sa kapakumbabaan
Isinalig mo sa galit hindi sa Pag-Ibig
Isinalig mo sa kayabangan hindi sa Kahabagan sa kapatid
Isinalig mo sa pagkakampikampi hindi sa Pagkakaisa


Ano ang sinasabi ng PANGINOON kung mapabilang ka sa buhangin?


APOCALIPSIS 20:6-10

Rev 20:6-10 Mapalad at banal ang makalakip sa unang pagkabuhay na maguli: sa mga ito'y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan; kundi sila'y magiging mga saserdote ng Dios at ni Cristo, at mangaghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon. 7 At kung maganap na ang isang libong taon, si Satanas ay kakalagan sa kaniyang bilangguan, 8 At lalabas upang dumaya sa mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, sa Gog at sa Magog, upang tipunin sila sa pagbabaka: na ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat. 9 At nangagsipanhik sila sa kalaparan ng lupa, at kinubkob ang kampamento ng mga banal, at ang bayang iniibig: at bumaba ang apoy mula sa langit, at sila'y nasupok. 10 At ang diablo na dumaya sa kanila ay ibinulid sa dagatdagatang apoy at asupre, na kinaroroonan din naman ng hayop at ng bulaang propeta; at sila'y pahihirapan araw at gabi magpakailan kailan man.


Iyan mga kapatid ang kakilakilabot na pagbagsak na mangyayari sa taong nagtayo ng kaniyang bahay sa buhanginan: ng taong tumitingin sa nagsasalita kung sino siya, at hindi ang sinasalita ang tingnan at pakinggan kung ano ang sinasabi upang kaniyang magawa at magkaroon ng bunga ng kabanalan.


Unawain ninyong mabuti mga kapatid para hindi masayang ang inyong araw, aking araw, ang araw nating lahat sa paggawa ng kabanalan, upang iharap natin sa DIOS at ihandog sa kanya, upang ayon sa dami ng kabanalan na ating nagawa ay doon niya ibabagay ang bahay na inihanda niya sa atin sa tahanan ng ating AMA kung tayo ay humaharap sa DIOS tuwing unang araw ng isang linggo. Huwag ninyong isipin na sa akin kayo humaharap na nagbasa lamang ng Salita ng DIOS upang inyong pakinggan.

Ang isipin ninyo ay sa DIOS tayo humaharap at ang Kaniyang Salita ang ating pakikinggan.


Huwag ang nagsasalita ang inyong pakinggan at unawain, kundi ang sinasalita ang iyong pakinggan at unawain. Sapagka't ang salita na sinasalita ang siyang isinugo ng DIOS sa lahat sa atin hindi ang nagsasalita.


Tayong lahat mga kapatid ay itinulad ng DIOS sa buhanginan at tayong lahat ay nangangailangan ng kaligtasan.
Kung sa inyong pakikinig ng Salita ng DIOS ay sa nagsasalita kayo tumitingin.

Kayo ay nagtatayo ng inyong bahay sa buhangin, sapagkat ang inyong pinakikinggan ay tao! Nagkakamali, nagkakasala, nagkakasakit, nasisira, nawawala, humihina, kaya pati paghahandog ninyo sa DIOS ay balewala sa inyo, walang halaga, ang makuha sa bulsa kung magkano ginagawa ninyong pulubing nalilimusan ang DIOS kaya pulubi rin ang ginagawa ng DIOS sa atin.


Datapuwat kung ayon sa pakikinig ng Salita ng DIOS, ay hindi ninyo tinitingnan ang nagsasalita , kundi ang tinitingnan ninyo at pinakikinggan at inuunawa ay ang sinasalita ay tunay na ang inyong pinakikinggan ay ang tunay na sugo ng DIOS, Sapagkat iyon ang Kaniyang isinugo ang Kaniyang Salita?


At kung ang Salita ng DIOS ang inyong pinakikinggan at hindi ang taong nagsasalita, Ikaw ay nagtayo ng iyong bahay sa ibabaw ng bato sapagkat ang DIOS ang ating malaking bato.


Hindi nawawala, hindi nasisisra, nagliligtas, nagpapala, nagpapagaling, nagliligtas, bumubuhay, nagpapangaral, nagpapaganda ng lahat ng bagay.


At kung ganito ang iyong gawa, maging sa pagpaparangalan ang DIOS ay pararangalin mo sa ganda ng kabanalan.
At hindi mo sya aabuluyan na tila pulubi, kundi nahanda mo Siya ng hahandugan mo Siya ng bagay na iyong itinalaga para sa Kanya, kaya dahil sa pagpaparangal mo sa Kaniya, ay paparangalan ka rin naman Niya bilang anak ng DIOS.



AMEN