Sunday, June 25, 2006

Ang Buhay

Mga kapatid, ang ating aralin ay pabalik-balik lamang upang tayo ay pagpaalalahanan lamang ng PANGINOON, Ipaalala sa atin kung ano ang dapat nating gawin, at kung ano ang ating kalagayan.


Ang naglalagay sa ating katayuan bilang tayo ay ang ating isipan; sa ating karunungan sa ating lakas at kapangyarihan; sa ating pagtitiyaga, pagsisikap at kasipagan, at sa ating mga pagtitiis.


Ang lahat ng saglit, sandali, oras at panahon ng ating buhay ay dito natin ginugugol sa ikauunlad, ikasasagana at ikagiginhawa ng ating kinabukasan.


At dahil sa pangarap na iyan mga kapatid, ang ating buong kakayahan ay ating ibinubuhos makamit lamang natin ang ating pangarap na tagumpay.


At dahil sa tagumpay na iyan mga kapatid ay nalilimutan natin ang tunay na kalagayan, na ang ating buhay ay tulad lamang ng bula na sandaling panahon ay nawawala.


Sa katotohanan sa buhay na ito ay wala tayong sariling pag-aari, oo nga at nagagawa natin ang nais nating gawin, datapuwat hindi nangangahulugan yaon ay may kapangyarihan na tayo sa ating sariling katawan.


Sa totoo lang kahit sa ano mang bahagi ng katawan ay wala tayong kapangyarihan., wala tayong kapangyarihan sapagkat wala naman tayong pag-aaring anoman.


Anong bagay ang masasabi nating sa atin mga kapatid? Ang atin bang Buhay?


Kung ang ating buhay ay sa atin! Bakit hindi natin alam kung hanggang kailan tayo mabubuhay? At bakit hindi natin matanggihan ang anumang karamdaman?


Ang atin bang buhok? Bakit di natin mapigil ang paghaba at pagkalugas nito?
Ang atin bang mata? Bakit hindi natin mapigil ang paglabo nito?
Ang atin bang tainga? Bakit hindi natin mapigil ang pagkabingi?
Ang daliri ba? Bakit hindi natin mapigil ang paghaba ng kuko nito?
Ang katawan ba? Bakit hindi natin mapigil ang pagtanda nito at ang pagkakasakit nito?


Iisa lamang ang ibig sabihin nito mga kapatid;


Na bagamat nagagawa natin ang nais nating gawin sa mga sangkap ng ating katawan, ay hindi tayo ang nagmamay-ari nito, ang lahat ng ito ay hiram lamang natin sa maykapal.


Balikan natin ang pinagmulan ng mga tao mga kapatid sa ...


GENESIS 2:7

Gen 2:7 At nilalang ng Panginoong Dios ang tao sa alabok ng lupa, at hiningahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging kaluluwang may buhay.



GENESIS 1:26-31

Gen 1:1-31 Nang pasimula ay nilikha ng Dios ang langit at ang lupa. 2 At ang lupa ay walang anyo at walang laman; at ang kadiliman ay sumasa ibabaw ng kalaliman; at ang Espiritu ng Dios ay sumasa ibabaw ng tubig. 3 At sinabi ng Dios Magkaroon ng liwanag; at nagkaroon ng liwanag. 4 At nakita ng Dios ang liwanag na mabuti, at inihiwalay ng Dios ang liwanag sa kadiliman. 5 At tinawag ng Dios ang liwanag na Araw, at tinawag niya ang kadiliman na Gabi. At nagkahapon at nagkaumaga ang unang araw. 6 At sinabi ng Dios, Magkaroon ng isang kalawakan sa gitna ng tubig, at mahiwalay ang tubig sa kapuwa tubig. 7 At ginawa ng Dios ang kalawakan, at inihiwalay ang tubig na nasa ilalim ng kalawakan, sa tubig na nasa itaas ng kalawakan: at nagkagayon. 8 At tinawag ng Dios ang kalawakan na Langit. At nagkahapon at nagkaumaga ang ikalawang araw. 9 At sinabi ng Dios, Mapisan ang tubig na nasa silong ng langit sa isang dako, at lumitaw ang katuyuan, at nagkagayon. 10 At tinawag ng Dios ang katuyuan na Lupa, at ang kapisanan ng tubig ay tinawag niyang mga Dagat: at nakita ng Dios na mabuti. 11 At sinabi ng Dios, Sibulan ang lupa ng damo, pananim na nagkakabinhi, at punong kahoy na namumunga ayon sa kaniyang pagkakahoy, na taglay ang kaniyang binhi sa ibabaw ng lupa, at nagkagayon. 12 At ang lupa ay sinibulan ng damo, pananim na nagkakabinhi, ayon sa kaniyang pagkapananim, at ng punong kahoy na namumunga, na taglay ang kaniyang binhi, ayon sa kaniyang pagkakahoy, at nakita ng Dios na mabuti. 13 At nagkahapon at nagkaumaga ang ikatlong araw. 14 At sinabi ng Dios, Magkaroon ng mga tanglaw sa kalawakan ng langit upang maghiwalay ng araw sa gabi; at maging pinakatanda, at pinakabahagi ng panahon, ng mga araw at ng mga taon: 15 At maging pinakatanglaw sa kalawakan ng langit, upang tumanglaw sa ibabaw ng lupa: at nagkagayon. 16 At nilikha ng Dios ang dalawang malaking tanglaw; ang malaking tanglaw ay upang magpuno sa araw, at ang maliit na tanglaw ay upang magpuno sa gabi: nilikha rin niya ang mga bituin. 17 At mga inilagay ng Dios sa kalawakan ng langit, upang tumanglaw sa ibabaw ng lupa, 18 At upang magpuno sa araw at sa gabi, at upang maghiwalay ng liwanag sa kadiliman: at nakita ng Dios na mabuti. 19 At nagkahapon at nagkaumaga ang ikaapat na araw. 20 At sinabi ng Dios, Bukalan ng sagana ang tubig ng mga gumagalaw na kinapal na may buhay, at magsilipad ang mga ibon sa itaas ng lupa sa luwal na kalawakan ng himpapawid. 21 At nilikha ng Dios ang malalaking hayop sa dagat, at ang bawa't may buhay na kinapal na gumagalaw, na ibinukal na sagana ng tubig, ayon sa kanikaniyang uri at ang lahat na may pakpak na ibon, ayon sa kanikaniyang uri: at nakita ng Dios na mabuti. 22 At mga binasbasan ng Dios, na sinabi, Kayo'y magpalaanakin, at magpakarami, at inyong punuin ang tubig sa mga dagat, at magpakarami ang mga ibon sa lupa. 23 At nagkahapon at nagkaumaga ang ikalimang araw. 24 At sinabi ng Dios, Bukalan ang lupa ng mga may buhay na kinapal, ayon sa kanikaniyang uri ng hayop at ng mga kinapal na umuusad, at ng mga ganid sa lupa, ayon sa kanikaniyang uri: at nagkagayon. 25 At nilikha ng Dios ang ganid sa lupa ayon sa kaniyang uri, at ang hayop ayon sa kaniyang uri, at ang bawa't umuusad sa ibabaw ng lupa ayon sa kanikaniyang uri: at nakita ng Dios na mabuti. 26 At sinabi ng Dios, Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis: at magkaroon sila ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop, at sa buong lupa, at sa bawa't umuusad, na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa. 27 At nilalang ng Dios ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Dios siya nilalang; nilalang niya sila na lalake at babae. 28 At sila'y binasbasan ng Dios, at sa kanila'y sinabi ng Dios, Kayo'y magpalaanakin, at magpakarami, at kalatan ninyo ang lupa, at inyong supilin; at magkaroon kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa bawa't hayop na gumagalaw sa ibabaw ng lupa. 29 At sinabi ng Dios, Narito, ibinigay ko sa inyo ang bawa't pananim na nagkakabinhi, na nasa ibabaw ng balat ng lupa, at ang bawa't punong kahoy na may bunga ng punong kahoy na nagkakabinhi; sa inyo'y magiging pagkain: 30 At sa bawa't hayop sa lupa, at sa bawa't ibon sa himpapawid; at sa bawa't nagsisiusad sa ibabaw ng lupa na may buhay ay ibinigay ko ang lahat na pananim na sariwa na pinakapagkain; at nagkagayon. 31 At nakita ng Dios ang lahat ng kaniyang nilikha, at, narito, napakabuti. At nagkahapon at nagkaumaga ang ikaanim na araw.



Nang likhain ng DIOS ang tao ay binigyan Niya ng hininga ng buhay; at ang buhay na ito ang larawan at wangis ng DIOS, ang buhay ay makapangyarihan, maganda, mabuti at banal, nakalilikha, malayang gawin ang bawat kaniyang naisin, marunong at nakapagpapasiya; ang tao'y larawan at kawangis ng DIOS, datapuwa't hindi katulad ng DIOS sa kapangyarihan.


Kaya pinagbilinan ng DIOS ang taong kaniyang nilikha na sinasabi DEUTORONOMIO 30:15-20

Deu 30:15-20 Tingnan mo, na inilagay ko sa harap mo sa araw na ito ang buhay at ang kabutihan, at ang kamatayan at ang kasamaan; 16 Na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito na ibigin mo ang Panginoon mong Dios, na lumakad ka sa kaniyang mga daan, at tuparin mo ang kaniyang mga utos, at ang kaniyang mga palatuntunan, at ang kaniyang mga kahatulan, upang ikaw ay mabuhay at dumami, at upang pagpalain ka ng Panginoon mong Dios sa lupain na iyong pinapasok upang ariin. 17 Nguni't kung ang iyong puso ay lumiko, at hindi mo didinggin, kundi maliligaw ka at sasamba ka sa ibang mga Dios, at maglilingkod ka sa kanila; 18 Ay aking pinatutunayan sa inyo sa araw na ito, na kayo'y tunay na malilipol; hindi ninyo palalaunin ang inyong mga araw sa ibabaw ng lupain na inyong ipinagtatawid ng Jordan, upang pumasok na ariin. 19 Aking tinatawag ang langit at ang lupa na pinakasaksi laban sa inyo sa araw na ito, na aking ilagay sa harap mo ang buhay at ang kamatayan, ang pagpapala at ang sumpa; kaya't piliin mo ang buhay, upang ikaw ay mabuhay, ikaw at ang iyong binhi; 20 Na iyong ibigin ang Panginoon mong Dios, na sundin ang kaniyang tinig, at lumakip sa kaniya: sapagka't siya ang iyong buhay, at ang kalaunan ng iyong mga araw; upang matahanan mo ang lupain na isinumpa ng Panginoon sa iyong mga magulang, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, na ibibigay sa kanila.



Ang DIOS ang iyong buhay kapatid, Siya ang iyong hininga!


Kahit na ano ang iyong gawin ay nalalaman mo kung iyon ay mabuti o masama. Damahin mong maigi kung mayroon kang gustong gawin at ikaw ay nag-aalinlangan, at nagsasabi sa iyo kung iyon ay mabuti o masama:


Iyan ay ang Espiritu ng DIOS na nasa iyo; na Siya mong buhay: kung iwanan ka ng Espiritung iyan dahil sa iyong kasamaan, ay babalik ka na sa iyong pagiging alabok.


Kaya ang sabi ng matuwid na lingkod ng PANGINOON na si haring David sa ...


MGA AWIT 16:11

Psa 16:11 Iyong ituturo sa akin ang landas ng buhay: nasa iyong harapan ang kapuspusan ng kagalakan; sa iyong kanan ay may mga kasayahan magpakailan man.


MGA AWIT 21:4

Psa 21:4 Siya'y humingi ng buhay sa iyo, iyong binigyan siya; pati ng kahabaan ng mga kaarawan magpakailan pa man.



Paano ba magsalita ang taong tumitiwala sa PANGINOON?

MGA AWIT 27:1

Psa 27:1 Ang Panginoon ay aking liwanag, at aking kaligtasan: kanino ako matatakot? Ang Panginoon, ay katibayan ng aking buhay; kanino ako masisindak?


MGA AWIT 36:9

Psa 36:9 Sapagka't nasa iyo ang bukal ng buhay: sa iyong liwanag makakakita kami ng liwanag.



Ano ang pinapayo ng PANGINOON sa mga taong sumasampalataya sa Kaniya?


MGA AWIT 34:11-16

Psa 34:11-16 Magsiparito kayo, kayong mga anak, dinggin ninyo ako: aking tuturuan kayo ng pagkatakot sa Panginoon. 12 Sinong tao ang nagnanasa ng buhay, at umiibig sa maraming kaarawan upang makakita siya ng mabuti? 13 Ingatan mo ang iyong dila mula sa masama. At ang iyong mga labi sa pagsasalita ng karayaan. 14 Lumayo ka sa kasamaan, at gumawa ka ng mabuti; hanapin mo ang kapayapaan at habulin mo. 15 Ang mga mata ng Panginoon ay nakatitig sa mga matuwid, at ang kaniyang mga pakinig ay nakabukas sa kanilang daing. 16 Ang mukha ng Panginoon ay laban sa kanila na nagsisigawa ng kasamaan, upang ihiwalay ang alaala sa kanila sa lupa.



Mga kapatid, kung tunay na minamahal natin ang ating buhay, ay dapat lamang na malaman natin na ang PANGINOON din ang ating minamahal, sapagkat ang PANGINOON ang Siyang buhay:


MGA KAWIKAAN 3:18

Pro 3:18 Siya ay punong kahoy ng buhay sa mga nanghahawak sa kaniya: at mapalad ang bawa't isa na nangamamalagi sa kaniya.


MGA KAWIKAAN 4:10

Pro 4:10 Dinggin mo, Oh anak ko, at iyong tanggapin ang aking mga sinasabi; at ang mga taon ng iyong buhay ay magiging marami.


MGA KAWIKAAN 4:13

Pro 4:13 Hawakan mong mahigpit ang turo; huwag mong bitawan: iyong ingatan; sapagka't siya'y iyong buhay.



MGA KAWIKAAN 8:35

Pro 8:35 Sapagka't sinomang nakakasumpong sa akin, ay nakakasumpong ng buhay. At magtatamo ng lingap ng Panginoon.


MGA KAWIKAAN 9:11

Pro 9:11 Sapagka't sa pamamagitan ko ay dadami ang iyong mga kaarawan, at ang mga taon ng iyong buhay ay magsisidami.



Kaya't ano ang maghigpit na tagubilin sa atin ng PANGINOON upang huwag masayang ang ating mga pagsusumikap sa kabanalan?


MATEO 7:13-14

Mat 7:13-14 Kayo'y magsipasok sa makipot na pintuan: sapagka't maluwang ang pintuan, at malapad ang daang patungo sa pagkapahamak, at marami ang doo'y nagsisipasok. 14 Sapagka't makipot ang pintuan, at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nangakakasumpong noon.


MATEO 19:23-24

Mat 19:23-24 At sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Mahirap na makapasok ang isang taong mayaman sa kaharian ng langit. 24 At muling sinasabi ko sa inyo, Magaan pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom, kay sa isang taong mayaman ang pumasok sa kaharian ng Dios.



AMEN