Mga kapatid, tayo ay binubuhay ng DIOS, dito sa ibabaw ng sanglibutan na may kanikaniyang kaalaman, kanikaniyang karunungan at kakayahan, kanikaniyang paninindigan at paniniwala, higit sa lahat ay pananampalataya, hindi ba totoo ito mga kapatid?
Pananampalataya; ano ba ang pananampalataya?
Bakit ba tayo sumasampalataya?
Saan ba tayo sumasampalataya?
Iisa ang sagot diyan mga kapatid
Ano ang ating sinasampalatayanan? Ang Katotohanan
Saan tayo sumasampalataya? Sa Katotohanan
Ano ang pananampalataya? Katotohanan
Ano ang katotohanan? Ang DIOS ang katotohanan
Papaano ba natin maipakikilala ang katotohanan?
Ang katotohanan ay bagay na hindi matatanggihan ng buong mundo, ang sa tao ay ito; ang araw ay sumisikat sa umaga at lumulubog sa hapon, ang isang araw ay binubuo ng 24 na oras: 1,440 na minuto at 86,400 na saglit o segundo.
Ang isang taon ng Gregorian Calendar na tinawag rin namang taon ng PANGINOON ay binubuo ng 365 na araw na ito ay nakapaloob sa 12 Buwan at binubuo lamang ng 52 linggo.
Maliban na nga lamang sa ilang bahagi ng mundo ang North at South Pole sapagkat doo'y 6 na buwan ang sikat ng araw at 6 na buwan ang gabi bagamat gumagamit rin sila ng orasan na 60 minuto ang isang oras at 60 segundo ang isang minuto, at gayon ding orasan ang gamit ng mga karatig nitong bansa na 3 buwan ang araw at 3 buwan ang gabi.
Iyan mga kapatid ay ang matiryal na bagay na katotohanang hindi matatanggihan ng tao sapagkat kalikasan.
Ngayon; Bagaman ang kalikasan ay hindi matatanggihan ng buong mundo, ay hindi rin naman natin maitatanggi na hindi rin natin halos mabilang ang dami ng magkakaibang pananampalataya at paniniwala sa DIOS, kung kaya wala ring matibay na mapagsaligan ang salitang "MABUTI" sapagkat ang bawat relihion ay may kanikaniyang doktrina.
Dakila, Mabuti at Banal ang doktrina ng isang relihion ngunit mali naman para sa iba, at alam ng lahat na ang mali ay masama at kung masama ay apoy ang hantungan, at kung mali at masama natural na ito ay wala sa katotohanan mga kapatid, na kung iyong gagawin ang bagay na ito, ay sasang-ayunan ng lahat ng relihion sa buong mundo.
Nasa katotohanan mga kapatid ang ganda ng lahat ng bagay; datapuwat kung ganda lamang ang ating pagbabatayan ay malalayo tayo sa katotohanan.
Sapagkat kung ang gandang nakikita ang ating paguusapan, ay hindi rin natin makukuha ang kaganapan sapagkat ang gandang nakikita ay batay sa tumitingin nito, ang gandang aking sinasabi mga kapatid ay gandang hindi nakikita; siguro sa biglang pagiisip ay inyong sasabihin; mayroon bang ganoon?
Papaano mo masasabing maganda kung hindi mo nakikita? Mga kapatid ang kagandahang aking tinutukoy ay hindi kumukupas, tumatanda, nalalanta o nasisira.
Sapagkat ang gandang ito ay tulad ng pananampalataya na hindi nakikita datapuwat nadarama, tulad ng kabanalan na hindi mo nakikita, ngunit dahil sa gawa ay nasasabi mo ang katotohanan...
sinasabi mo masama ang taong iyan!
Mabuti ang taong iyan!
Bakit natin nasasabi ito mga kapatid? Sapagkat nadama mo,
sinabi mong masama: sapagkat binigyan ka ng sama ng loob,
sinabi mong mabuti : sapagkat binigyan ka ng kasiyahan
dahil sa ating gawa tayo ay gumaganda o pumapangit.
Tingnan natin ang gandang sinasabi ng banal na kasulatan sa...
1CRONICA 16:29
1Ch 16:29 Inyong ibigay sa Panginoon ang kaluwalhatiang marapat sa kaniyang pangalan: Mangagdala kayo ng handog, at magsiparoon kayo sa harap niya: Inyong sambahin ang Panginoon sa ganda ng kabanalan.
Ngayon mga kapatid, nakikita ba ng mga mata ang ganda ng kabanalan sa katawan at sa mukha ng tao?
Hindi! Sapagkat ang kagandahan nito ay nakikita at nakikilala sa bunga ng gawa nito, tulad ng hangin, hindi nakikita ngunit iyong nadarama ang dampi niya, at nakikilala mo siya sa pamamagitan ng kaniyang gawa at bunga nito.
Kapag malumanay at mayumi ang kaniyang dampi, ito ay amihan... Kapag malakas ang ihip nito, naglalaglag ng bunga ng punong kahoy at nagpapagalaw ng mga sanga nito, ito ay habagat. Ngunit kapagka ang hangin ay nagtutumba na ng malalaking punong kahoy, pumipinsala ng mga pananim at bahay, ito ay buhawi kadalasan pa nga siya ay pumapatay ng tao, ganiyan mo rin makikilala ang kapangitan ng masama at ganda ng kabanalan.
Ang ganda ng kabanalan ang lundo ng ating mga paglilingkod sa DIOS mga kapatid, na siya nating ikasasakdal sa PANGINOON... ngayon... papaano ba natin magagawa ang mga bagay na ito?
2Ch 20:21 At nang siya'y makakuhang payo sa bayan, kaniyang inihalal sa kanila ang magsisiawit sa Panginoon at magsisipuri sa ganda ng kabanalan habang sila'y nagsisilabas na nagpapauna sa hukbo at magsipagsabi, Mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man.
Ano ang nagpapaganda sa kabanalan mga kapatid? Pagpapasalamat: pagpupuri : paghahandog : tugtugan at mga pag-aawitan.
Papaano ba ito isinasagawa ng mga lingkod ng DIOS?
2Ch 5:13 Nangyari nga, nang ang mga nangagpapakakak at mga mangaawit ay nangagkakatugma, upang mangagpatunog ng isang tunog na maririnig sa pagdalangin at pasasalamat sa Panginoon; at nang kanilang itaas ang kanilang tinig na katugma ng mga pakakak, at mga simbalo, at mga panugtog ng tugtugin at magsipuri sa Panginoon, na magsipagsabi , Sapagka't siya'y mabuti; sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man: na nang magkagayo'y ang bahay ay napuno ng ulap; sa makatuwid bagay ang bahay ng Panginoon,
Samakatuwid sa pagpapasalamat ay talagang may awitan at tugtugan, at maging ang panalangin ay sinasaliwan ng tugtog at awit ng mga korista at ng mga banda: Ngayon; mga korista lamang ba ang umaawit sa pagpapasalamat?
Ezr 3:11 At sila'y nagawitang isa't isa sa pagpuri at pagpapasalamat sa Panginoon, na nangagsasabi : Sapagka't siya'y mabuti, sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man sa Israel. At ang buong bayan ay humiyaw ng malakas, nang sila'y magsipuri sa Panginoon, sapagka't ang tatagang-baon ng bahay ng Panginoon ay nalagay.
Ang bawat pagpapasalamat mga kapatid ay may kanikaniyang uri ng pagkakilala at pagpapahalaga: Halimbawang, nagpunta ka sa isang lugar, nagtanong ka sa isang tao upang ituro sa iyo ang lugar na iyong hinahanap at pagkatapos na maituro sa iyo ay sasabihin mong...
"SALAMAT PO"
Naglalakbay ka sa isang lugar at inabot ka ng takip silim, hindi mo malaman kung saan ka magpapalipas ng gabi, ng may isang taong nag-anyaya sa iyo; pinakain ka ng hapunan at binigyan ka ng isang maayos na kuartong matutulugan at pagkagising mo ay pinakain ka ng masaganang agahan bago ka umalis, at ng nagtatanong ka ng bayad ay hindi ka tinanggapan ng bayad, papaanong pagpapasalamat ang gagawin mo sa taong yaon?
"Maraming maraming salamat po, sana'y makaganti po ako ng utang na loob sa inyo sa ibang araw na darating"
Nagkasakit ang isang minamahal mo sa buhay, at agad-agad ay kailangan ang operasyon dahil kung hindi maooperahan agad ito ay mamamatay, subalit wala ka namang pambayad, at sa katotohanan kahit ipagbili mo man ang lahat mong pag-aari ay hindi sasapat at halos wala ka ng pagasa na mabuhay pa ang mahal mo sa buhay, ng isang tao ang lumapit sayo at inako ang gugugulin hanggang sa mahal mo ay lumakas at gumaling;
Anong uri o antas kaya ng pagpapasalamat ang gagawin mo sa taong yaon, at anong handog ang ipagkakaloob mo sa kaniya maihayag mo lamang ang taos puso mong pagpapasalamat, hindi ba't ibubuhos mo ang buo mong kakayahan sa paggawa?
Ano pa kaya mga kapatid kung ang ating pagpapasalamatan ay ang sinasampalatayanan natin na Siya ang lumalang sa atin, Siyang nag-iingat sa atin, nagbibigay ng ating pagkain sa araw-araw,ng ating buhay at hininga, ng kalakasan at kaalaman, nagiingat sa atin at higit sa lahat ay nagbigay sa atin ng buhay na walang hanggan.
Marapat kayang gawin natin ang pagpapasalamat ng higit sa ating makakaya?
2Co 8:2-3 Kung paanong sa maraming pagsubok sa kapighatian ang kasaganaan ng kanilang katuwaan at ang kanilang malabis na karukhaan ay sumagana sa kayamanan ng kanilang kagandahang-loob. 3 Sapagka't ayon sa kanilang kaya, ay nagpapatotoo ako at higit pa sa kanilang kaya, ay nagsiabuloy sila sa sariling kalooban,
Iyan ang dapat makita sa atin ng PANGINOON mga kapatid; sapagkat walang taong makagagawa sa atin ng mabuti na tulad ng kabutihang ginagawa sa atin ng DIOS, tingnan ninyo mga kapatid ang ginawa ng DIOS kay Propeta Daniel...
Dan 2:23 Pinasasalamatan kita, at pinupuri kita, Oh ikaw na Dios ng aking mga magulang, na siyang nagbigay sa akin ng karunungan at lakas, at nagpatalastas ngayon sa akin ng ninais namin sa iyo; sapagka't iyong ipinaalam sa amin ang bagay ng hari.
Alam ba ninyo kung bakit nagpasalamat ng gayon na lamang si Propeta Daniel sa DIOS? Noong madalang bihag ang mga Israelita sa Babilonia ay isa si Daniel sa napili ng haring Nabucodonosor na maging pantas ng hari.
Isang gabi ay natulog siya at nagkaroon ng isang panaginip na nakakikilabot, datapuwat ng magising ang hari ay nakalimutan niya ang panaginip, datapuwat ang takot at pangamba ay nanatili sa kaniyang puso.
Ipinatawag niya ang lahat ng mga mahiko at mga enkantador at mga pantas at paham ng Babilonia at sinabi sa kanila, ako'y nagkaroon ng isang nakapangingilabot na panaginip datapuwat nalimutan ko pagkagising, nais kong sabihin ninyo sa akin kung ano ang panaginip na yaon at ang kahulugan nito, sinagot siya ng mga pantas ay sinabi: hindi namin masasabi ang kahulugan ng panaginip kung hindi sasabihin sa amin oh hari ang kaniyang panaginip, sabihin sa amin ang kahulugan nito, nagalit ang hari at ipinagutos na patayin ang lahat ng mga pantas sa Babilonia.
Ang utos na ito'y nakarating kay Daniel, humarap siya sa hari at humingi ng isang linggong palugit at binigyan siya ng hari. Dumalangin sa DIOS si Daniel at ang tatlong niyang kasama, at ipinakita ng DIOS sa kanila ang panaginip ng hari at ipinaalam sa kanila ang kahulugan nito at ito ay inilahad nila sa hari. Dahil dito si Daniel ay ginawang puno ng mga pantas sa Babilonia.
Iyan mga kapatid ang nagagawa ng pananampalataya at ng taos pusong pananalangin.
Iyan mga kapatid ang ipinagpapasalamat ni Propeta Daniel sa DIOS na isang bagay na pinakamagandang magagawa ng tao maging sino ka man at maging ano ka man.
Psa 92:1-3 Isang mabuting bagay ang magpapasalamat sa Panginoon, at umawit ng mga pagpuri sa iyong pangalan, Oh Kataastaasan: 2 Upang magpakilala ng iyong kagandahang-loob sa umaga, at ng iyong pagtatapat gabigabi. 3 Na may panugtog na may sangpung kawad, at may salterio; na may dakilang tunog na alpa.
Psa 97:10-12 Oh kayong nagsisiibig sa Panginoon, ipagtanim ninyo ang kasamaan. Kaniyang iniingatan ang mga kaluluwa ng kaniyang mga banal; kaniyang iniligtas sila sa kamay ng masama. 11 Liwanag ang itinanim na ukol sa mga banal, at kasayahan ay sa may matuwid na puso. 12 Mangatuwa kayo sa Panginoon, kayong mga matuwid; at mangagpasalamat sa kaniyang banal na pangalan.
Pinakamaganda at pinakamasayang bagay ang ikaw ay magpasalamat sa DIOS datapuwat ingatan natin ang ating sarili mga kapatid; baka sa paghahandog mo sa DIOS dahilan sa iyong malaking kakayahan ay maging mataas ka sa iyong sarili at maging hamak at aba ang mga dukha mong kapatid sa kanilang mga handog, kahit pinakadakila ang ating magiging handog sa DIOS ay nararapat lamang na manatili tayo sa kapakumbabaan at pagibig.
1Ch 29:12-14 Ang mga kayamanan at gayon din ang karangalan ay nangagmumula sa iyo, at ikaw ang nagpupuno sa lahat; at nasa iyong kamay ang kapangyarihan at kalakasan; at nasa iyong kamay ang pagpapadakila, at pagpapalakas sa lahat. 13 Kaya't ngayon, aming Dios, kami ay nagpasasalamat sa iyo, at aming pinupuri ang iyong maluwalhating pangalan. 14 Nguni't sino ako, at ano ang aking bayan, na makapaghahandog na ganyang kusa ayon sa ganitong paraan? sapagka't ang lahat na bagay ay nangagmumula sa iyo, at ang iyong sarili ay aming ibinigay sa iyo.
Mga kapatid, ito ang tunay nating kalagayan, wala tayong sariling atin, sapagkat ang lahat ay galing sa DIOS, sa katotohanan, kahit sa sarili nating katawan ay wala tayong kapangyarihan, sapagkat wala naman tayong maaaring pigilin sa pagsulong nito o sa pagkasira nito.
Tingnan ninyo mga kapatid
Ang buhok
Mapipigil mo ba ang paghaba nito, pagputi, at pagkalagas?
Ang ngipin
Mapipigil mo ba ang pagkasira at pagkawala nito?
Ang mata
Mapipigil mo ba ang paglabo nito?
Ang kuko
Mapipigil mo ba ang paghaba nito?
Ang balat
Mapipigil mo ba ang pagkulubot nito?
Ang pandinig o tainga
Mapipigil mo ba ang pagkabingi?
Ang lakas ng katawan:
Mapapanatili mo itong malakas at hindi manghina, at mapipigilan mo ba ang iyong kabataan at hindi ka na tatanda? Matatanggihan mo ba ang ano mang uri ng karamdaman at mapipigil ang kamatayan?
Ang lahat ng iyan mga kapatid ay nasa kamay ng DIOS ang kapangyarihan; Siya ang bumubuhay sa atin at nagbibigay ng pagkaunawa, ng pananampalataya at kagalingan, ng kalakasan at karunungan, at higit sa lahat ay ng buhay at kaligtasan.
Nasa iyong pagpapasalamat at paghahandog at pagpapakumbaba, ang antas ng iyong pagkakilala sa mga bagay na ito mga kapatid sapagkat nasa kapakumbabaan ipagiging dapat ng bawat isa sa atin.
Luk 18:10-14 May dalawang lalaking nagsipanhik sa templo upang magsipanalangin; ang isa'y Fariseo, at ang isa'y maniningil ng buwis. 11 Ang Fariseo ay nakatayo at nanalangin sa kaniyang sarili ng ganito, Dios, pinasasalamatan kita, na hindi ako gaya ng ibang mga tao, na mga manglulupig, mga liko, mga mapangalunya, o hindi man lamang gaya ng maniningil ng buwis na ito. 12 Makalawa akong nagaayuno sa isang linggo; nagbibigay ako ng ikapu ng lahat kong kinakamtan. 13 Datapuwa't ang maniningil ng buwis, na nakatayo sa malayo, ay ayaw na itingin man lamang ang kaniyang mga mata sa langit, kundi dinadagukan ang kaniyang dibdib, na sinasabi, Dios, ikaw ay mahabag sa akin, na isang makasalanan. 14 Sinasabi ko sa inyo, Nanaog at umuwi sa kaniyang bahay ang taong ito na inaaaringganap kay sa isa: sapagka't ang bawa't nagmamataas sa kaniyang sarili ay mabababa; datapuwa't ang nagpapakababa sa kaniyang sarili ay matataas.
Mga kapatid, walang makapagliligtas sa atin kundi ang sarili nating mga gawa, ibinibigay sa atin ng DIOS ang
Salita ng Kaligtasan at maghahatid sa atin sa piling ng AMA na Siyang Buhay na Walang Hanggan.
Huwag nating katisuran ang
Salita ng DIOS na tila ba nagpapahirap sa atin mga kapatid; ang ating gawaing kabanalan ay paraiso at buhay na walang hanggan ang ating kinukuha mga kapatid. Huwag nating mabigatin ito o panghinayangan man ang ating ginugugol na panahon, oras at salapi, sapagkat sa paggawa mo ng kabanalan ay buhay na walang hanggan ang ating makakamtan.
Sa katotohanan lang mga kapatid, mas mahirap pang hanapin ang ating kakainin sa loob ng isang araw kaysa gumawa ng isang araw na kabanalan; sa totoo lang mga kapatid, sa paghahanap mo ng kabuhayan sa araw-araw kung ikaw ay magkamali ay maaari ka pang mabilanggo at mapatay: sa paggawa ng kabanalan ay hindi ka mabibilanggo o mamamatay man kundi ligaya at buhay na walang hanggan ang iyong makakamtan:
Huwag nating mabigatin ang paggawa ng kabanalan mga kapatid. Sapagkat kailangang talaga na gumawa tayo ng mabigat na kabanalan na mag-aangat ng mataas sa ating katawang makasalanan mga kapatid.
Mabigat na kabanalang magaangat sa atin sa paraiso, kung makita na nating napararangal na ng bunga ng ating gawa at kapaguran
ang Salita ng ating DIOS at PANGINOON ay nahandoon na tayo sa kapanatagan ng ating mga kaluluwa at masasasabi na rin natin na...
Psa 133:1 Masdan ninyo, na pagkabuti at pagkaligaya sa mga magkakapatid na magsitahang magkakasama sa pagkakaisa!
AMEN