Mga kapatid, kapag naririnig ninyo na ang katagang kulungan, ano ang pumapasok sa inyong isipan?
Siguro ang iisipin ninyo ay bilangguan o piitan na kaya inilalagay ang tao rito ay para maparusahan sa nagawang kasalanan, hindi ba mga kapatid?
Hindi ang kulungang ito ang ating pag-aaralan, Hindi Jail o Prison, kundi ang kulungang ating pagaaralan ay ang kural, kung sa mga hayop, cage kung sa ibon, crib kung sa bata, na kung sa ingles ay "Fold", kulungan ng mga tupa (Sheepfold) ibig sabihin mga kapatid alagaan, hindi parusahan.
Nakakita na ba kayo ng Love Bird mga kapatid? I am sure your answer is yes is'nt? Di ba mga kapatid? Pero may itatanong ako sa inyo na alam kung ang isasagot niyo ay No, Hindi.
Bakit? Anong tanong ba ang itatanong ko? Nakakita na ba kayo ng Love Bird na lumilipad ng boong laya sa himpapawid na tulad ng mga Maya na nakikita natin na nagsisidapo sa mga sanga ng punong kahoy sa mga daan at mga bubungan lalo na kung panahon ng tagaraw? Di ba wala mga kapatid?
Alam ninyo mga kapatid, Ang point of origin ng mga Love Birds maging saan mang bansa ng Asia, ay ang mga virgin forest or Jungle, at dahil sa mapakialaming gawa ng mga tao ay pinangahasang pasukin yaon at hinuhuli. Ang lahat ng maaaring pakinabangan at kasama na nga doon ang Love Bird, na ginagawa na ngang alagain sa ngayon; at sa panahon ngayon, ang mga Love Bird na inyong nakikita at naaalagaan ay tubo nalang sa kulungan at hindi na sila naghahanap ng makakain at tubig na maiinum.
Siguro mga kapatid maitatanong ninyo sa akin kung bakit ko sinasabi sa inyo ang bagay na ito, bakit mga kapatid?
Sapagkat isang bagay ang nakita ko, na ang kanilang buhay ay nasa loob ng kulungan na kapag sila ay nakalabas o nakakawala sa loob ng kulungan, ang kahulugan noon sa kanila ay kamatayan.
Bakit naging kamatayan para sa kanila? Sapagkat ang kanilang iniwanan ay hindi ang kulungan, kundi ang pagkain at ang tubig na inumin na idinudulot ng kanilang tagapagalaga, bakit ko nasabi ito mga kapatid?
Sapagkat napatunayan ko ang mga ito mga kapatid, noon ay nagalaga ako ng maraming Love Bird sa isang malaking kulungan.
Kinuha ko ang isa sa kanila at nilagyan ko ng singsing ang kaniyang paa, matapos kong mailagay ang singsing; Siya ay pinawalan ko at sinabi ko pa nga na sige malaya kana at kung magkita tayong muli ay makikilala kita dahil sa singsing.
Lumipas ang isang linggo, naglalakad ako noon sa Baywalk sa area ng Folk Art Theater ng may namataan akong isang patay na ibon na sa palagay ko ay kamamatay lang at payat na payat nakilala ko siya sapagkat siya ang Love Bird na nilagyan ko ng singsing sa paa.
Bakit ko ba ikinikwento sa inyo ito mga kapatid? Sapagkat naaalala ko ang kalagayan natin sa harap ng PANGINOON.
Tayo'y inaalagaan ng PANGINOON sa araw-araw ng ating mga buhay; Pagkain, Tubig at Damit at lahat nating pangangailangan ay ipinagkakaloob Niya sa atin, maging Karunungan at mga Kaalaman.
Tingnan ninyo kung papaano tayo tinuturuan ng DIOS bilang bahagi ng Kaniyang pagaalaga sa atin.
MATEO 6:9-13
Mat 6:9-13 Magsidalangin nga kayo ng ganito: Ama namin na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo. 10 Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa. 11 Ibigay mo sa amin ngayon ang aming kakanin sa araw-araw. 12 At ipatawad mo sa amin ang aming mga utang, gaya naman namin na nagpatawad sa mga may utang sa amin. 13 At huwag mo kaming ihatid sa tukso, kundi iligtas mo kami sa masama. Sapagka't iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailan man. Siya nawa.
Tunay na tayo ay inaalagaan ng DIOS mga kapatid at Siyang nagbibigay ng lahat nating pangangailangan, humingi ka lamang at iyong hanapin, gumawa ka, huwag mong isiping susubuan ka pa ng DIOS na parang musmos.
Tulad ng kung tayo ay nagaalaga ng ibon na nilalagyan natin ng tubig at pagkain sa kulungan at pinupuntahan ng ibon ang ating pinaglalagyan upang sila ay makakain at makainum.
Tayo mga kapatid ay inihahalintulad ng DIOS sa mga tupa na inaalagaan sa Kaniyang pastulan, may kulungan ang PANGINOON upang doon Niya tipunin at alagaan ang Kaniyang mga tupa.
Joh 10:16 At mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito: sila'y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig; at sila'y magiging isang kawan, at magkakaroon ng isang pastor.
Dito sa loob ng kulungang ito pinakakain Niya ang Kaniyang mga tupa. Sinomang mabuting pastor ay hindi naglalagay ng pagkain ng kaniyang mga tupa sa labas ng kulungan o pastulan. Kaya kapag lumabas ng kulungan ang isang tupa ay agad na hinahanap ito ng kaniyang pastor sapagkat kapahamakan ang naghihintay sa tupang nasasalabas ng kulungan.
Tingnan natin at basahin ang mga talatang ito ng banal na kasulatan mga kapatid, sapagkat magbibigay sa atin ng kaalaman at karunungan.
Joh 10:1-15 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang pumapasok sa hindi pintuan ng kulungan ng mga tupa kundi umaakyat sa ibang daan, ang gayon ay tulisan at magnanakaw. 2 Datapuwa't ang pumapasok sa pintuan ay siyang pastor ng mga tupa. 3 Binubuksan siya ng bantaypinto; at dinirinig ng mga tupa ang kaniyang tinig: at tinatawag ang kaniyang sariling mga tupa sa pangalan, at sila'y inihahatid sa labas. 4 Pagka nailabas na niya ang lahat ng sariling kaniya, ay pinangungunahan niya sila, at nagsisisunod sa kaniya ang mga tupa: sapagka't nakikilala nila ang kaniyang tinig. 5 At sa iba'y hindi sila magsisisunod, kundi magsisitakas sa kaniya: sapagka't hindi nila nakikilala ang tinig ng mga iba. 6 Sinalita ni Jesus sa kanila ang talinghagang ito: datapuwa't hindi nila napagunawa kung anong mga bagay ang sa kanila'y sinasalita. 7 Muli ngang sinabi sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako ang pintuan ng mga tupa. 8 Ang lahat ng nangauna sa aking nagsiparito ay mga magnanakaw at mga tulisan: datapuwa't hindi sila dininig ng mga tupa. 9 Ako ang pintuan; ang sinomang taong pumasok sa akin, ay siya'y maliligtas, at papasok at lalabas, at makasusumpong ng pastulan. 10 Hindi pumaparito ang magnanakaw, kundi upang magnakaw, at pumatay, at pumuksa: ako'y naparito upang sila'y magkaroon ng buhay, at magkaroon ng kasaganaan nito. 11 Ako ang mabuting pastor: ibinibigay ng mabuting pastor ang kaniyang buhay dahil sa mga tupa. 12 Ang nagpapaupa, at hindi ang pastor, na hindi may-ari ng mga tupa, ay nakikitang dumarating ang lobo, at pinababayaan ang mga tupa, at tumatakas, at inaagaw sila ng lobo, at pinapangangalat: 13 Siya'y tumatakas sapagka't siya'y upahan, at hindi ipinagmamalasakit ang mga tupa. 14 Ako ang mabuting pastor; at nakikilala ko ang sariling akin, at ang sariling akin ay nakikilala ako, 15 Gaya ng pagkakilala sa akin ng Ama, at ng sa Ama ay pagkakilala ko; at ibinibigay ko ang aking buhay dahil sa mga tupa.
Mat 7:15 Mangagingat kayo sa mga bulaang propeta, na nagsisilapit sa inyo na may damit tupa, datapuwa't sa loob ay mga lobong maninila.
1Pe 2:25 Sapagka't kayo'y gaya ng mga tupang nangaliligaw; datapuwa't ngayon ay nangabalik kayo sa Pastor at Obispo ng inyong mga kaluluwa.
Joh 21:14-17 Ito'y ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga alagad, pagkatapos na siya'y magbangon sa mga patay. 15 Kaya't nang mangakapagpawing gutom sila, ay sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, Simon, anak ni Juan, iniibig mo baga ako ng higit kay sa mga ito? Sinabi niya sa kaniya, Oo, Panginoon; nalalaman mo na kita'y iniibig. Sinabi niya sa kaniya, Pakanin mo ang aking mga kordero. 16 Sinabi niya sa kaniyang muli sa ikalawa, Simon anak ni Juan, Iniibig mo baga ako? Sinabi niya sa kaniya, Oo, Panginoon; nalalaman mo na kita'y iniibig. Sinabi niya sa kaniya, Alagaan mo ang aking mga tupa. 17 Sinabi niya sa kaniya sa ikatlo, Simon, anak ni Juan, Iniibig mo baga ako? Nalumbay si Pedro sapagka't sa kaniya'y sinabing makaitlo, Iniibig mo baga ako? At sinabi niya sa kaniya, Panginoon, nalalaman mo ang lahat ng mga bagay; nalalaman mo na kita'y iniibig. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Pakanin mo ang aking mga tupa.
Heb 13:20-21 Ngayon ang Dios ng kapayapaan na muling nagdala mula sa mga patay sa dakilang pastor ng mga tupa sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan, sa makatuwid baga'y ang Panginoon nating si Jesus, 21 Ay pakasakdalin nawa niya kayo sa bawa't mabuting gawa upang gawin ang kanyang kalooban, na gawin sa atin ang nakalulugod sa paningin niya, sa pamamagitan ni Jesucristo; na mapasa kaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa.
Mat 25:32-41 At titipunin sa harap niya ang lahat ng mga bansa: at sila'y pagbubukdinbukdin niya na gaya ng pagbubukodbukod ng pastor sa mga tupa at sa mga kambing; 33 At ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanan, datapuwa't sa kaliwa ang mga kambing. 34 Kung magkagayo'y sasabihin ng Hari sa nangasa kaniyang kanan, Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan: 35 Sapagka't ako'y nagutom, at ako'y inyong pinakain; ako'y nauhaw, at ako'y inyong pinainom; ako'y naging taga ibang bayan, at inyo akong pinatuloy; 36 Naging hubad, at inyo akong pinaramtan; ako'y nagkasakit, at inyo akong dinalaw; ako'y nabilanggo, at inyo akong pinaroonan. 37 Kung magkagayo'y sasagutin siya ng mga matuwid, na mangagsasabi, Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, at pinakain ka namin? o nauuhaw, at pinainom ka? 38 At kailan ka naming nakitang isang taga ibang bayan, at pinatuloy ka? o hubad, at pinaramtan ka? 39 At kailan ka namin nakitang may-sakit, o nasa bilangguan, at dinalaw ka namin? 40 At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa. 41 Kung magkagayo'y sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, Magsilayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa, at pasa apoy na walang hanggan na inihanda sa diablo at sa kaniyang mga anghel:
Sa labas ng kulungan ng DIOS ay walang buhay na walang hanggan kundi walang hanggang paghihirap na kasama ng diablo at ng kaniyang mga anghel.
Mga kapatid ang pagkakataong ipinagkakaloob ng DIOS sa paggawa ng kabanalan ay hindi na babalik pa kung lilipas sa atin ng walang gawa, samantalahin natin ang pagkakataong ipinagkakaloob ng DIOS sapagkat walang halagang matatapat dito, Mapasaiyo man ang daigdig at mawawalan ka naman ng buhay.
Magpakalakas, Magpakasigla, Magpakatibay
AMEN