Wednesday, February 22, 2006

Ang mga Ministro ng DIOS

Mga kapatid, kilala na nating lahat ang tunay na sugo ng DIOS na isinugo Niya dito sa lupa, at alam na natin ang sugong isinugo ng DIOS dito sa lupa ay makapangyarihan, gumagawa ng kababalaghan at nauutusan Niya ang kalikasan, higit sa lahat ay nagbibigay ng kaligtasan sa mga taong naging mga anak ng DIOS...

Ngayon mga kapatid, ang kilalanin natin ay ang mga Ministro ng DIOS dito sa lupa, at ang mga ministrong ito ay may kapangyarihan magpatupad at magparusa:

Hindi ito ang mga tinatawag na ministro ng mga relihion na inihalal ng kanikanilang pinuno o obispo, na ang nakikinig lamang sa kanila ay tauhan o member lamang ng kanilang relihion at wala silang kapangyarihan sa iba o sa ibang sekta ng relihion.

Ang mga ministrong ito ng DIOS ay iginagalang ng lahat ng sekta ng relihion, maging ikaw man ay Cristiano, pagano, islamic o muslim, protestante o ano mang uri ng relihion o pananampalataya mayroon ka at inuutos ng DIOS ang pagsunod dito, ating kilalanin mga kapatid kung sino-sino ito na binigyan ng DIOS ng kapangyarihan upang maging Kaniyang ministro, basahin natin ang aklat ni...


Tit 3:1-2 Ipaalala mo sa kanilang pasakop sa mga pinuno, sa mga may kapangyarihan, na mangagmasunurin, na humanda sa bawa't gawang mabuti, 2 Na huwag magsalita ng masama tungkol sa kanino man, na huwag makipagtalo, kundi mapakahinhin, at magpakahinahon sa lahat ng mga tao.


Ang mga talatang ito ay pagpapaalala ng PANGINOON sa mga dinatnan ng Kaniyang Salita at sumampalataya sa Kaniya.

Ngayon; Sino bang mga pinuno ito na may kapangyarihan na ayaw ng DIOS na pagsalitaan mo sila ng masama, na ipinagtagubilin na tayo ay maging masunurin sa kanila?


Rom 13:1-7 Ang bawa't kaluluwa ay pasakop sa matataas na kapangyarihan: sapagka't walang kapangyarihan na hindi mula sa Dios; at ang mga kapangyarihang yao'y hinirang ng Dios. 2 Kaya nga't ang sumasalangsang sa kapangyarihan, ay sa utos ng Dios sumasalangsang: at ang mga nagsisalangsang ay magsisitanggap ng kahatulan sa kanilang sarili. 3 Sapagka't ang mga pinuno ay hindi kilabot sa gawang mabuti, kundi sa masama. At ibig mo bagang mawalaan ng takot sa may kapangyarihan? gawin mo ang mabuti, at magkakamit ka ng kapurihan sa kaniya: 4 Sapagka't siya'y ministro ng Dios sa ikagagaling mo. Datapuwa't kung ginagawa mo ang masama, ay matakot ka; sapagka't hindi walang kabuluhan ang pagdadala niya ng tabak: sapagka't siya'y ministro ng Dios, tagapaghiganti sa ikagagalit sa gumagawa ng masama. 5 Kaya nga't dapat na kayo'y pasakop, hindi lamang dahil sa kagalitan, kundi naman dahil sa budhi. 6 Sapagka't dahil dito ay nagsisipagbayad naman kayo ng buwis; sapagka't sila'y mga tagapangasiwa ng paglilingkod sa Dios, na nagsisipamahalang walang patid sa bagay na ito. 7 Ibigay ninyo sa lahat ang sa kanila'y nararapat: buwis sa dapat buwisan; ambag sa dapat ambagan; takot sa dapat katakutan; puri sa dapat papurihan.


Ngayon mga kapatid, kilala na ba ninyo kung sino-sino ang mga ministro ng DIOS para sa lahat ng tao?

Sila ang kapangyarihan ng mga bansa, mula sa pinakamataas hanggang sa pinakamababa, at mula sa pinakamababang hukuman hanggang sa pinakamataas na hukuman.



Sa Kaharian : Mula Hari hanggang Kawal
Sa Republika : Mula Pangulo hanggang Tanod
Sa Hukuman : Mula sa Mababa hanggang sa Mataas



Narito mga kapatid ang ilan sa mga pangunahing batas at kautusan sa ... ROMA 13:8-14


Rom 13:8-14 Huwag kayong magkautang ng ano pa man sa kanino man, maliban na sa mangagibigan kayo: sapagka't ang umiibig sa kaniyang kapuwa'y nakaganap na ng kautusan. 9 Sapagka't ito, Huwag kang mangangalunya, Huwag kang papatay, Huwag kang magnanakaw, Huwag kang mananakim, at kung mayroon pang ibang utos, ay nauuwi sa salitang ito, sa makatuwid baga'y Ibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng sa iyong sarili. 10 Ang pagibig ay hindi gumagawa ng masama sa kaniyang kapuwa: ang pagibig nga ay siyang katuparan ng kautusan. 11 At ito, yamang nakikilala ang panahon, na ngayo'y kapanahunan nang magsigising kayo sa pagkakatulog: sapagka't ngayon ay lalong malapit na sa atin ang kaligtasan kay sa nang tayo'y magsisampalataya nang una . 12 Ang gabi ay totoong malalim, at ang araw ay malapit na: iwaksi nga natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isakbat ang mga sandata ng kaliwanagan. 13 Magsilakad tayong mahinhin, gaya ng sa araw; huwag sa katakawan at paglalasing, huwag sa kalibugan at sa kahalayan, huwag sa mga pagkakaalit at pagkakainggitan. 14 Kundi bagkus isakbat ninyo ang Panginoong Jesucristo, at huwag ninyong paglaanan ang laman, upang masunod ang mga kahalayan noon .


Mga kapatid, ang lahat ng mga talatang ating binasa sa biblia ay tunay at totoong Salita ng ating PANGINOONG DIOS, na ipinasulat Niya sa Kaniyang mga Apostol at Evangelista.


Tayo'y hindi nagbasa ng kwentong kinatha lamang ng isang kuwentista upang matapos nating mapakinggan, tayo ay humanga at masiyahan. Ang mga talatang ating binasa sa Biblia, ay ating maliwanag na narinig, nalaman at naunawa, hindi upang hangaan lamang; kundi upang gawin, tuparin ng buong puso at ipamahagi, sapagkat nagliligtas, nagbibigay ng buhay na walang hanggan upang tayo'y dalhin sa piling ng ating Dakilang PANGINOONG DIOS at tayo'y sumaKaniya magpakailanaman.


AMEN