Friday, February 24, 2006

Ang dalawang daan sa buhay ng tao

Ang buhay ng tao mga kapatid ay hindi para kumain, manamit, magsaya, matulog at paggising ay muling iikot ang buhay sa gayong pangyayari.

Ang ganitong pagikot ng buhay, ang pinaghahandaan ng tao ng magandang kinabukasan at kasaganaan. At kung mapasakaniya na ang kasaganaan ay tila ba mayroon na siyang kapangyarihan sa kaniyang buhay.

Mga kapatid, mag-ingat tayo sa ating paghahanda ng magandang bukas... sapagkat... kung ang DIOS ay nagbibigay ng kaligtasan at buhay na walang hanggan, gayon din naman ang DIOS ng sanglibutang ito ay nagaalok rin ng kaligtasan, saan?

Sa gutom, sa kahirapan, sa kahihiyan, at nagaalok ng karangalan, kapangyarihan, at kayamanan, at walang pagbabawal, iyan ang pangdaraya ng diablo, ang maluwang na daang patungo sa kamatayan sapagkat wala ka namang iisipin kundi: papunta ako doon; papunta ko rito; bibili ako nito; kukuha ako noon; kukuha ako nito.

Ano ba ang sinasabi ng Biblia tungkol dito?



Pro 27:1 Huwag mong ipaghambog ang kinabukasan; Sapagka't hindi mo nalalaman kung ano ang ilalabas ng ibang araw.


Mga kapatid, ang atin ay ang ngayon; ang bukas ay nasa kamay ng DIOS.


Ang sabi ni Apostol Santiago sa... SANTIAGO 4:13-15


Jam 4:13-15 Magsiparito ngayon, kayong nagsisipagsabi, Ngayon o bukas ay magsisiparoon kami sa gayong bayan, at titira kami doong isang taon, at mangangalakal, at magtutubo: 14 Kayo ngang hindi nakaaalam ng mangyayari bukas. Ano ang inyong buhay? Kayo nga'y isang singaw na sa sangdaling panahon ay lumilitaw, at pagdaka'y napapawi. 15 Sapagka't ang dapat ninyong sabihin ay, Kung loloobin ng Panginoon ay mangabubuhay kami, at gagawin namin ito o yaon.


Tingnan ninyo mga kapatid ang isang talinghaga ng PANGINOON, may isang taong mayaman na ang lupa'y namumunga ng sagana, sapagkat wala na siyang paglalagyan pa ng mga bunga ng kaniyang mga ani ay iginiba niya ang dati niyang bangan at gumawa ng mas malalaki, at doon inilagay ang lahat niyang ani at sinabi sa kaniyang kaluluwa...


Luk 12:19 At sasabihin ko sa aking kaluluwa, Kaluluwa, marami ka nang pag-aaring nakakamalig para sa maraming taon; magpahingalay ka, kumain ka, uminom ka, matuwa ka.


Ano ang sabi ng PANGINOON sa lalaking ito sa ... LUCAS 12:20-21


Luk 12:20-21 Datapuwa't sinabi sa kaniya ng Dios, Ikaw na haling, hihingin sa iyo sa gabing ito ang iyong kaluluwa; at ang mga bagay na inihanda mo, ay mapapa sa kanino kaya? 21 Gayon nga ang nagpapakayaman sa ganang kaniyang sarili, at hindi mayaman sa Dios.


At kung atin pang babasahin ang mga talata 22-32 ay sinasabi ng PANGINOON na ang ating buhay ay higit na mahalaga kaysa lahat nating tinatangkilik.

Kaya sinabi Niya sa LUCAS 12:25


Luk 12:25 At sino sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa sukat ng kaniyang buhay?


at sa mga talata 31-32


Luk 12:31-32 Gayon ma'y hanapin ninyo ang kaniyang kaharian, at idaragdag sa inyo ang mga bagay na ito. 32 Huwag kayong mangatakot, munting kawan; sapagka't nakalulugod na mainam sa inyong Ama ang sa inyo'y ibigay ang kaharian.


Sapagkat ang kaharian ng AMA ay buhay na walang hanggan, papaano mapapasaatin ito?


1Jo 5:11-12 At ito ang patotoo, na tayo'y binigyan ng Dios ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na ito ay nasa kaniyang Anak. 12 Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay; ang hindi kinaroroonan ng Anak ng Dios ay hindi kinaroroonan ng buhay.

Papaano natin malalaman kung tayo'y kinaroroonan ng Anak ng DIOS?


Mat 5:44-46 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang sa inyo'y nagsisiusig; 45 Upang kayo'y maging mga anak ng inyong Ama na nasa langit: sapagka't pinasisikat niya ang kaniyang araw sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga ganap at sa mga hindi ganap. 46 Sapagka't kung kayo'y iibig sa nangagsisiibig lamang sa inyo, ano ang ganti na inyong kakamtin? hindi baga gayon din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis?

At MATEO 5:48


Mat 5:48 Kayo nga'y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal.



Mga kapatid, ang ibigin mo ang iyong kaaway ay isang kabaliwan sa mga taga sanglibutan, at mga taong hindi binigyan ng DIOS ng pagkaunawa, sapagkat ang sanglibutan ay hindi nakakakilala ng Espiritual na bagay ng DIOS... at ang bagay na ito ay hindi kayang dalhin at tanggapin ng sanglibutan:

Ngunit sa mga mananampalataya ang bagay na ito ay natural na bagay na dapat lakaran ng mga nagsisipaglingkod sa DIOS.

Ano ba ang natural na bagay sa pakikipagtunggali? Liwanag at Dilim; Apoy at Tubig; Init at Lamig; Tama at Mali; Gabi at Araw; Puot at Pagibig; Masama at Mabuti; Banal at Makasalanan; Buhay at Kamatayan; Kabiguan at Tagumpay; at iyan ang dalawang uri ng daan na nilalakaran ng lahat ng tao.



Ang sabi ng PANGINOON sa JUAN 13:15

Joh 13:15 Sapagka't kayo'y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin naman ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo.


Sa palagay ninyo mga kapatid, alin ang pinakadakilang bagay ang ginawa ng DIOS sa ating lahat upang magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan?



Ang tayo ay patawarin Niya sa ating mga kasalanan:



Sapagkat kung hindi Niya tayo pinatawad sa ating mga kasalanan, sa anomang paraan ay hindi tayo makararating sa Kaniyang Kaharian upang magkaroon ng Buhay na Walang Hanggan. Sapagkat doon ay walang makapapasok na maruming bagay at ano mang kasalanan, at papaano ginawa ng DIOS sa atin ang bagay na ito mga kapatid?



Joh 3:16 Sapagka't gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.


Ngayon mga kapatid, alam ba ninyo ang pinakadakilang gawa na ating magagawa? Ang tayo ay magpatawad sa mga nagkasala sa atin, sapagkat ang pagpapatawad ay sa DIOS at ang nagpapatawad ay kinaroroonan ng Anak ng DIOS at ang kinaroroonan ng Anak ng DIOS ay kinaroroonan ng buhay; ang hindi kinaroroonan ng Anak ng DIOS ay hindi kinaroroonan ng buhay.

Lumakad tayo sa landas ng buhay mga kapatid at huwag sa landas ng kapahamakan.


AMEN