Sunday, February 19, 2006

Ang Paglalakbay (Pilgrimage)

Mga kapatid, tuwing dumarating ang unang araw ng isang linggo, ang PANGINOON ay hindi nagsasawa sa pagbibigay sa atin ng ikabubuhay ng ating mga kaluluwa, mga Salita ng DIOS na nagpapasigla at nagpapalakas ng ating mga pananampalataya; Nagbibigay liwanag sa ating pagkakilala sa Kaniya bilang ating DIOS, PANGINOON at ating AMA.

Tinuturuan Niya tayo, kung papaano tayo dapat mabuhay at makisalamuha sa sanglibutan, at kung papaano ang dapat nating ugaliin sa harap ng tao at sa harap ng DIOS.

Ang lahat ng Kaniyang Salita na ibinibigay sa atin sa pamamagitan ng evangelio na ipinasulat Niya sa Kaniyang mga Propeta, Apostol at Evangelista, ay ating pinag-aaralan na ibinibigay ng DIOS sa bawat isa sa atin, upang mula sa kamangmangan ay dalhin tayo sa kaalaman at karunungan, mula sa kadiliman ay dalhin tayo sa kaliwanagan, mula sa kamatayan ay dalhin tayo sa buhay na walang hanggan.

Kung ang mga bagay na iyan, ay nadarama natin mga kapatid, tayo ay mapalad sapagkat nasasaatin ang kapayapaan ng DIOS.

Tayo ay nabubuhay na tiwasay sa kabila ng maraming kakulangan sa ating kabuhayan.

Damahin ninyo mga kapatid, bagamat marami tayong kakulangan ay nakakatulog tayo ng payapa, tiwasay at nakapananalangin tayo sa DIOS, nakapagpapasalamat at nakapagpupuri sa Kaniya;

Nadarama ba ninyo iyan mga kapatid?

Mapalad tayo kung nadarama natin ang mga bagay na ito, sapagkat makararating tayo sa tunay nating bayan na inihanda ng DIOS mula pa ng una: Ang buhay na walang hanggan.

Subalit kung hindi natin nadarama ang bagay na iyan; at ang nasa ating puso ay kapaitan, pagdaramdam, kapanaghalian, kainggitan, pagkakampi-kampi, pagganti ng masama sa masama:

Magbulay ka kapatid, sapagkat ibang landas na ang iyong nilalakbay:

Ang lahat ng tao ay manglalakbay lamang sa sanglibutang ito, bawat isa may kanikaniyang landas na nilalakaran at patutunguhan.

Ang isang landas ay landas ng kabanalan na ang hantungan ay buhay:
Ang isa ay landas ng kasalanan na hantungan ay kamatayan:
Ang dalawang landas na iyan ang dinadaanan ng tao:
Landas na patungo sa Bayang Banal:
Landas na patungo sa Bayang Parusahan, Bayan ng apoy na hindi namamatay:
Mga kapatid, tayo'y manglalakbay lamang at nakikipamayan lamang sa sanglibutang ito:

Kung gaano katagal tayong maglalakbay dito ay DIOS lamang ang nakakaalam.

Tingnan ninyo ang katibayan na mula't sapol ay nakikipamayan lamang ang tao dito sa lupa.


Gen 47:9 At sinabi ni Jacob kay Faraon, Ang mga araw ng mga taon ng aking pakikipamayan ay isang daan at tatlong pung taon; kaunti at masasama ang mga naging araw ng mga taon ng aking buhay, at hindi umabot sa mga araw ng mga taon ng buhay ng aking mga magulang sa mga araw ng kanilang pakikipamayan.


Alam ni Jacob na lingkod ng DIOS na ang kaniyang mga magulang, si Isaac, Abraham, Tare na kaniyang mga ninuno, ay nakipamayan rin sa sanglibutang ito, at bagamat sila ng kaniyang mga anak ay binigyan ng kanilang sariling lupain sa Egipto na pinakamagandang lupain, ang Gosen; na mataba at masaganang taniman, ay alam pa rin niya na sila ay nakikipamayan lamang kahit alam niya na doon na siya malilibing.

Ang pakikipamayang iyan mga kapatid ay alam ng lahat na lingkod ng PANGINOON kahit na ano pa ang iyong kalagayan sa buhay maging hamak ka man o dakila.

Tingnan natin mga kapatid ang Salmo o ....
MGA AWIT 119:54-55

Psa 119:54-55 Ang iyong mga palatuntunan ay naging aking mga awit sa bahay ng aking pangingibang bayan. 55 Aking inalaala sa gabi ang pangalan mo, Oh Panginoon, at sinunod ko ang iyong kautusan.


Sa ating paglalakbay at pakikipamayan, anong halimbawa ang naiisip ninyo sa pagsunod sa kautusan ng ating PANGINOONG DIOS upang ang maging direksyon ng ating paglalakbay ay sa Kaniyang Kaharian at hindi sa Kaparusahan:

Sa LUCAS 10:30-35 ganito ang sinasabi umpisahan natin sa 25 hanggang 37
LUCAS 10:25-37

Luk 10:25-37 At narito, ang isang tagapagtanggol ng kautusan ay nagtindig at siya'y tinutukso, na sinasabi, Guro, anong aking gagawin upang magmana ng walang hanggang buhay? 26 At sinabi niya sa kaniya, Ano ang nasusulat sa kautusan? ano ang nababasa mo? 27 At pagsagot niya'y sinabi, Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong lakas mo, at ng buong pagiisip mo; at ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili. 28 At sinabi niya sa kaniya, Matuwid ang sagot mo: gawin mo ito, at mabubuhay ka. 29 Datapuwa't siya, na ibig magaringganap sa kaniyang sarili, ay nagsabi kay Jesus, At sino ang aking kapuwa tao? 30 Sumagot si Jesus at sinabi, Isang tao'y bumababa sa Jerico na mula sa Jerusalem; at siya'y nahulog sa kamay ng mga tulisan, na sa kaniya'y sumamsam at sa kaniya'y humampas, at nagsialis na siya'y iniwang halos patay na. 31 At nagkataong bumababa sa daang yaon ang isang saserdote; at nang makita siya ay dumaan sa kabilang tabi. 32 At sa gayon ding paraan ang isang Levita naman, nang dumating siya sa dakong yaon, at makita siya, ay dumaan sa kabilang tabi. 33 Datapuwa't ang isang Samaritano, sa kaniyang paglalakbay, ay dumating sa kinaroroonan niya: at nang siya'y makita niya, ay nagdalang habag, 34 At lumapit sa kaniya, at tinalian ang kaniyang mga sugat, na binuhusan ng langis at alak; at siya'y isinakay sa kaniyang sariling hayop, at dinala siya sa bahay-tuluyan, at siya'y inalagaan. 35 At nang kinabukasa'y dumukot siya ng dalawang denario, at ibinigay sa katiwala ng bahay-tuluyan , at sinabi, Alagaan mo siya, at ang anomang magugol mong higit, ay aking pagbabayaran sa iyo pagbabalik ko. 36 Sino sa tatlong ito, sa akala mo, ang nagpakilalang kapuwa tao sa nahulog sa kamay ng mga tulisan? 37 At sinabi niya, Ang nagkaawanggawa sa kaniya. At sinabi sa kaniya ni Jesus, Humayo ka, at gayon din ang gawin mo.


May isang hiwaga na natago sa parabulang ito ng ating PANGINOONG JESUCRISTO:
Ano ito?

Ating kilalanin natin ang mga tauhan ng salaysay na ito.

UNA : Isang taong bumaba sa Jerico mula sa Jerusalem:
PANGALAWA : Isang saserdoteng umiwas sa pagtulong:
PANGATLO : Isang Levitang umiwas sa pagtulong:
PANGAPAT : Isang Samaritano ang naawang tumulong:
Ang Jerusalem ay Bayang Banal:

Ang Jerico ay Makasalanang Bayan na nakukutaan ng makapal na pader ng tanggulan na winasak ng kapangyarihan ng DIOS sa pamamagitan ng Kaniyang lingkod na si Josua.

Ang Saserdote ay tagapaglingkod sa dambana ng DIOS.

Ang Levita ay ang angkan ng Israel na pinagbubuhatan ng mga saserdote.

Ang Samaritano ay Bayang walang halaga sa paningin ng PANGINOON.

Ang pangyayari sa mga tauhan ng salaysay ay nasa tagpo ng paglalakbay:

Ang taong mula sa Jerusalem ay papuntang Jerico ay nilapastangan ng tulisan at iniwang halos walang buhay, na ng makita ng mga taong naglilingkod sa DIOS ay hindi pinansin gayong sila ang may kautusan, at ang taong walang anoman sa DIOS ang nagpakita ng awa na siyang nagalaga at nagpagaling.

Nakuha ba ninyo mga kapatid ang talinghaga ng salitang ito ng ating PANGINOONG JESUCRISTO?

Isimple natin ang pangyayari:

Ang Jerusalem ay ang langit, ang Jerico ay ang lupa, ang taong mula sa Jerusalem papuntang Jerico ay ang Salita ng DIOS na mula sa langit ay isinugo Niya sa lupa, at ng naglalakbay na ang Salitang ito ng DIOS upang mangaral at ipaalam sa mga taong kayo'y manglalakbay lamang sa sanglibutang ito... Ito'y pinaslang ng aral na nauna sa Kaniya ng mga saserdote at mga levita, eskriba at pariseo na ito ang sinabi ng PANGINOON sa...


Joh 10:8 Ang lahat ng nangauna sa aking nagsiparito ay mga magnanakaw at mga tulisan: datapuwa't hindi sila dininig ng mga tupa.


Ang mga tumangkilik at nagpalakas sa Salitang ito na pinaslang ng mga tulisan at magnanakaw ay ang ka-Cristianuhan na sinabi ni Apostol Pedro sa...


1Pe 2:10 Na nang nakaraang panahon ay hindi bayan, datapuwa't ngayo'y bayan ng Dios: na hindi nagsipagkamit ng awa, datapuwa't ngayo'y nagsipagkamit ng awa.


Isang aral parin ang nais ipahiwatig sa atin ng DIOS na sa ating paglalakbay ay kailangang magsigawa tayo ng kabanalan, sapagkat ang kabanalang iyan ang pagkain ng ating mga kaluluwa na siyang magpapalakas ng ating pananampalataya upang makarating tayo sa bayang inihanda ng DIOS sa atin mula pa ng una.

Huwag tayong manghinayang sa halaga ng ating maitutulong sa ating kapuwa at higit sa gawain ng DIOS sa ikahahayag ng Kaniyang Salita na isinugo Niya sa lupa, sapagkat kung ating panghihinayangan at iiwasan ang pagtulong mga kapatid, ay wala tayong pagkakaiba sa saserdoteng umiba ng daan ng makita ang taong nag-aagaw buhay na gayon din ang ginawa ng isang levita; tularan natin ang Samaritano na ng dahil sa pagibig sa kapwa ay gumugol ng salapi, oras at panahon matulungan lamang ang nangangailangan: Gaano pa kaya kung ang pangangailangan ng Salita ng DIOS na Kaniyang isinugo ang ating tulungan ng may boong pagibig at kakayahan.

Bakit boong kakayahan mga kapatid?

Ano ang sabi ni Apostol Pablo sa...
2CORINTO 11:26

2Co 11:26 Sa mga paglalakbay ay madalas, sa mga kapanganiban sa mga ilog, sa mga kapanganiban sa mga tulisan, sa mga kapanganiban sa aking mga kababayan, sa mga kapanganiban sa mga Gentil, sa mga kapanganiban sa bayan , sa mga kapanganiban sa mga ilang, sa mga kapanganiban sa dagat, sa mga kapanganiban sa gitna ng mga bulaang kapatid;


Ano bang kapanganiban ang sinasabing ito ni Apostol Pablo?

Kapag binanggit kasi ang kapanganiban mga kapatid ay sumasaisip agad natin ang pagiingat sa ating katawan na huwag masaktan o mapinsala.

Ano ang sinasabi ni Apostol Pedro tungkol dito?
1PEDRO 2:11

1Pe 2:11 Mga minamahal, ipinamamanhik ko sa inyong tulad sa mga nangingibang bayan at nagsisipaglakbay, na kayo'y magsipagpigil sa mga masamang pita ng laman, na nakikipaglaban sa kaluluwa;


Iyan mga kapatid ang kapanganiban sa ating mga paglalakbay dito sa sanglibutan, ang mga pita ng laman. Ito ang pinakamapanganib na kapahamakan at ating kaaway, ang kapanganiban ng ating katawan mga kapatid ay madali nating naiiwasan sapagkat alam natin ang sakit at kahirapan nito.

Ang pinakamapanganib na kapahamakan ay ang pita ng laman, sapagkat hindi ito iniiwasan ng marami kundi hinahanap pa ng iba, pinaggugugulan ng panahon at salapi masunod lamang ang masasamang pitang ito na laman na kung makamit nila ang mga pitang ito tila baga itinuturing nilang tagumpay sapagkat nakadama sila ng sarap at kasiyahan.

Mga kapatid, sa ating paggiging manglalakbay, tayo ay mayroon ding pakikibaka, ngunit para ano ba ang ating pakikipagbaka?

EFESO 6:12

Eph 6:12 Sapagka't ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan.


Ganyan din naman ang nararapat nating gawin mga kapatid, ang pagpipigil natin sa ating sarili ang pinakamataas na antas ng ating pakikipagbaka na ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan; kaya nga ang sabi sa...


Heb 11:13 Ayon sa pananampalataya ay nangamatay ang lahat ng mga ito, na hindi kinamtan ang mga pangako, nguni't kanilang nangakita na natanaw mula sa malayo, at kanilang ipinahayag na sila'y pawang taga ibang bayan at manglalakbay sa ibabaw ng lupa.


Kaya dapat na tayo'y maging maingat, mapagpigil, mapagbigay, mapagunawa at mapagkumbaba na iyan ay napakamakapangyarihang sandata na ipinagagamit sa atin ng PANGINOON na hindi Siya humihiwalay sa mga bagay na ito.

AMEN