Sunday, February 12, 2006

Ang Sugo ng DIOS

Ang lahat ng nagnanais na maglingkod at sumamba sa DIOS ang hinahanap ay ang tunay na sugo ng DIOS, Tunay na Iglesia ng DIOS, na may tunay na mga Salita ng DIOS.

Sa paghahanap na ito, halos lahat ay nagkakamali at nangaliligaw, kung hindi man lahat ay 99 porsiento:

Bakit nagkakaganito?


Sapagkat ang hinahanap nilang sugo ay tulad ng mga apostol, tao ang kanilang hinahanap. At kung makakita sila ng isang tao na mahusay magsalita, mahusay magbuklat at magbasa ng Biblia, ay iniisip na nilang ito na ang taong isinugo ng DIOS dito sa lupa.

Sa katotohanan, sa panahong ito, ay wala ng taong isinugo pa ang DIOS dito sa lupa, sapagkat ang kahulihulihang taong isinugo ng DIOS sa lupa ay ang mga apostol.

Kung sa ngayon ay may taong magsasabi, na siya ay isinugo ng DIOS dito sa lupa; Ang taong yaon ay isang dakilang mamumusong at sinungaling at ito ang paglapastangan sa Espiritu na walang kapatawaran.

Bakit nagkakagayon?


Sapagkat natural lamang na kung tagasaan ang nagsugo ay tagaroon din ang kaniyang isusugo.

Kung ang America ay magpapadala ng sugo sa Pilipinas; Natural na ang kanilang ipadadalang sugo ay isang Americano.

Isang napakalaking kamangmangan na magpadala ng sugo ang America sa Pilipinas ng isang Pilipino, sa katotohanan, ang kinatawan ng USA sa US Embassy dito sa Pilipinas ay mga Americano.

Kaya kung ang magsusugo ay tagalangit, ang kaniyang sugo ay tagalangit!!!

Ano ang sinasabi ng banal na kasulatan tungkol sa mga bagay na ito?


Ang sabi sa MGA AWIT 107:20


Psa 107:20 Sinugo niya ang kaniyang salita, at pinagaling sila, at iniligtas sila sa kanilang mga ikapapahamak.


Psa 147:15 Kaniyang sinusugo ang kaniyang utos sa lupa; ang kaniyang salita ay tumatakbong maliksi.


Paano isinugo ng DIOS ang Kaniyang Salita?

Sa HEBREO 10:5


Heb 10:5 Kaya't pagpasok niya sa sanglibutan, ay sinasabi, Hain at handog ay hindi mo ibig. Nguni't isang katawan ang sa akin ay inihanda mo;


Heb 10:10 Sa kaloobang yaon tayo'y pinapaging-banal, sa pamamagitan ng pagkahandog ng katawan ni Cristo na minsan magpakailan man.


Ganyan isinugo ng DIOS ang Kaniyang Salita na nagdala ng Kaniyang utos sa tao na nagpapagaling at nagliligtas.

Papaano naman ang pamamaraan ng DIOS, sa paghahanda Niya ng isang katawan sa isinugo Niyang Salita sa lupa?

Sa aklat ni Propeta ISAIAS 9:6


Isa 9:6 Sapagka't sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake; at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamanghamangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan.


Samakatuwid ang katawang inihanda ng DIOS para sa Kaniyang Salita na isinugo sa lupa ay ipanganganak, magmumula sa pagiging sanggol.

NGAYON;

Kung ipanganganak ang katawang inihanda ng DIOS para sa Kaniyang Salita, Saang dako ng sanglibutan magaganap ang bagay na ito?

Sa MIKAS 5:2


Mic 5:2 Nguni't ikaw, Beth-lehem Ephrata, na maliit upang lumagay sa libolibo ng Juda, mula sa iyo ay lalabas sa akin ang isa na magpupuno sa Israel; na ang pinagbuhatan niya ay mula nang una, mula nang walang hanggan.


Malinaw na nang isugo ng DIOS ang Kaniyang Salita sa lupa ay ipinaghanda Niya ng isang katawan; at ang katawang ito ay ipanganganak sa Betlehem ng Juda.

Papaano ba ang pagkapanganak sa katawang ito na inihanda Niya para sa Kaniyang Salita?

Sa MATEO 1:21


Mat 1:21 At siya'y manganganak ng isang lalake; at ang pangalang itatawag mo sa kaniya'y JESUS; sapagka't ililigtas niya ang kaniyang bayan sa kanilang mga kasalanan.


Mat 1:23 Narito, ang dalaga'y magdadalang-tao at manganganak ng isang lalake, At ang pangalang itatawag nila sa kaniya ay Emmanuel; na kung liliwanagin, ay sumasa atin ang Dios.


Pakaunawain nating mabuti ang dalawang talatang ito, sapagkat ang dalawang pangalang binanggit dito ay para sa nangyaring pagkapanganak sa bata; Emmanuel; Sumasaatin ang DIOS:


At ang isang pangalan ay ang gagawin ng DIOS sa pamamagitan o pagkasangkapan Niya sa batang ipinanganak na ililigtas Niya ang Kaniyang bayan sa kanilang mga kasalanan; Ang tawag sa gagawing pagliligtas ay JESUS. Ito ang tawag sa gagawin ng katawang inihanda ng DIOS para sa Kaniyang Salita.

JESUS : Magliligtas o Tagapagligtas
Tulad ng Attorney : Magtatanggol o Tagapagtanggol
Emmanuel : Isang pangyayari : Naganap
JESUS : Isang papangyarihin : Magaganap

Kung hindi pangalan ng bata ang Emmanuel at JESUS; Ano ang pangalan ng bata na ipinanganak sa isang birhen?

Sa LUCAS 2:11


Luk 2:11 Sapagka't ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon.


Ano ang ibig sabihin ng CRISTO?
At ano ang ibig sabihin ng PANGINOON?

Atin munang alamin kung ano ang ibig sabihin ng CRISTO sa sulat ni Apostol Pablo sa Mga Taga-Corinto;

1CORINTO 1:24


1Co 1:24 Nguni't sa kanila na mga tinawag, maging mga Judio at mga Griego, si Cristo ang kapangyarihan ng Dios, at ang karunungan ng Dios.


Hindi rin pangalan ng bata ang CRISTO; Ito ay ang kalagayan ng bata; Siya ang Karunungan ng DIOS at Kapangyarihan ng DIOS.

Ano! Ang ibig sabihin ng PANGINOON?

ISAIAS 42:8


Isa 42:8 Ako ang Panginoon; na siyang aking pangalan: at ang aking kaluwalhatian ay hindi ko ibibigay sa iba, o ang akin mang kapurihan sa mga larawang inanyuan.


At sa AMOS 5:8


Amo 5:8 Inyong hanapin ang lumikha ng mga Pleyades at ng Orion, at ang lilim ng kamatayan ay pinapaging umaga, pinapagdilim ang araw sa pamamagitan ng gabi; yaong tumatawag sa tubig sa dagat, at nagbubugso ng mga yaon sa ibabaw ng lupa (Panginoon ang siya niyang pangalan);



Maliwanag na ang Kaniyang pangalan ay PANGINOON at ito ay ipinakilala rin Niya sa Kaniyang mga alagad sa ...


Joh 13:13 Tinatawag ninyo akong Guro, at Panginoon: at mabuti ang inyong sinasabi; sapagka't ako nga.


Ano ba ang tunay na kalagayan ng PANGINOONG ito?

ISAIAS 45:5


Isa 45:5 Ako ang Panginoon, at walang iba; liban sa akin ay walang Dios. Aking bibigkisan ka, bagaman hindi mo ako nakilala.


At sa Aklat ng MGA AWIT 100:3


Psa 100:3 Alamin ninyo na ang Panginoon ay siyang Dios; siya ang lumalang sa atin, at tayo'y kaniya: tayo'y kaniyang bayan, at mga tupa ng kaniyang pastulan.


Saan ba talaga nagmula ang CRISTOng ito na Siyang PANGINOON na ipinanganak ng isang dalaga?


Joh 6:38 Sapagka't bumaba akong mula sa langit, hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.


Ang tao ay mula sa lupa, kaya siya ay magbabalik sa lupa; Kapag namatay ang tao, siya ay mabubulok at maaagnas at muling magbabalik sa pagkalupa:

Ang katawan ng ating PANGINOONG JESUCRISTO ay hindi nakakakita ng kabulukan kailanman; Kaya nang Siya ay mabuhay na maguli; Matapos na mapagbilinan Niya ang Kaniyang mga alagad, Palibahasa'y galing sa langit kaya muli Siyang umakyat sa langit.

Bakit nga ba hindi nakakita ng kabulukan ang katawan ng ating PANGINOONG JESUCRISTO?


1Co 15:45 Gayon din naman nasusulat, Ang unang taong si Adam ay naging kaluluwang buhay. Ang huling Adam ay naging espiritung nagbibigay buhay.


Ang tao ay kaluluwang buhay; Ang katawang inihanda ng DIOS para sa Kaniyang Salitang isinugo sa lupa ay Espiritung nagbibigay buhay; Kung kaya Siya ay bumubuhay ng mga patay na siyang ikinagulat ng mga Judio.

Kaya nang Siya ay namatay sa krus ay binuhay Niyang muli ang Kaniyang katawan sa kapangyarihan ng Kaniyang pagka-DIOS At iyon ang sinasabi sa...


Joh 2:19 Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Igiba ninyo ang templong ito, at aking itatayo sa tatlong araw.


Kung pabababawin natin ang sinabi ng PANGINOON ay ganito ang ibig sabihin.

Patayin ninyo ang katawang ito at bubuhayin ko sa ikatlong araw.


Joh 10:17-18 Dahil dito'y sinisinta ako ng Ama, sapagka't ibinibigay ko ang aking buhay, upang kunin kong muli. 18 Sinoma'y hindi nagaalis sa akin nito, kundi kusa kong ibinibigay. May kapangyarihan akong magbigay nito, at may kapangyarihan akong kumuhang muli. Tinanggap ko ang utos na ito sa aking Ama.


Iyan ang Salita ng DIOS na isinugo Niya sa sanglibutan, Ang Kaniyang Karunungan at Kapangyarihan, Ang Kaniyang Salita na lumalang ng lahat ng bagay.


Joh 1:1-4 Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios. 2 Ito rin nang pasimula'y sumasa Dios. 3 Ang lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya; at alin man sa lahat ng ginawa ay hindi ginawa kung wala siya. 4 Nasa kaniya ang buhay; at ang buhay ay siyang ilaw ng mga tao.


Joh 1:14 At nagkatawang-tao ang Verbo, at tumahan sa gitna natin (at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatian gaya ng sa bugtong ng Ama), na puspos ng biyaya at katotohanan.


Sa kabila ng katotohanang iyan, ay napakarami pa ring hindi nakakakilala sa Kaniya, ayaw pa rin tanggapin na IISANG DIOS na Tunay:

May naniniwalang Siya'y tao lamang:

May naniniwalang Siya'y Anak ng Ama, na kung papaanong ang tao ay may anak at may ama ay gayon din naman ang kalagayan ng CRISTO at AMA.

May naniniwala ring ang DIOS ay may tatlong persona: Ang AMA, ang ANAK, at ang ESPIRITU SANTO:

Kaya magpahanggang sa ngayon ay marami pa ring ayaw magsitanggap sa talata ng...


Joh 10:30 Ako at ang Ama ay iisa.


Kaya aplikado sa mga taong ito ang mga sumusunod na talata ng...

JUAN 1:10-11

Joh 1:10-11 Siya'y nasa sanglibutan, at ang sanglibuta'y ginawa sa pamamagitan niya, at hindi siya nakilala ng sanglibutan. 11 Siya'y naparito sa sariling kaniya, at siya'y hindi tinanggap ng mga sariling kaniya.


Datapuwat sa mga binigyan ng DIOS ng tunay na pananampalataya, Ang sabi ni Apostol Juan ay ganito:

1Joh 5:20 At nalalaman natin na naparito ang Anak ng Dios, at tayo'y binigyan ng pagkaunawa, upang ating makilala siya na totoo, at tayo'y nasa kaniya na totoo, sa makatuwid ay sa kaniyang Anak na si Jesucristo. Ito ang tunay na Dios, at ang buhay na walang hanggan.


Sa mga talatang ito ng banal na kasulatan ay maraming ayaw na umunawa sa dahilang ito ay salungat sa doktrinang pinalalakaran nila sa kanilang kapatiran o religion.

Ang mga pamunuan ng relihion ang gumagawa ng kanikanilang doktrina na kanilang pinalalakaran sa kanilang mga kasapi.

Kung ang lahat ng nangunguna sa mga kaluluwang naghahanap ng kaligtasan ay itititig na mabuti ang kanilang mga mata sa katotohanan, ay tiyak na ibibigay sa kanila ng DIOS ang pagkaunawa sa hiwaga ng Kaniyang katotohanan; at kung dumating sa kaniya ang pagkakilala sa katotohanan, ay huwag siyang mangimi na magtama ng mali. Magpalakas ng kahinaan; at dagdagan ng kaliwanagan ang ilawang malamlam upang maalis ang katitisuran sa daang nilalakaran tungo sa buhay na inilalaan ng DIOS sa mga nagsisipagbanal.

Huwag tayong mangimi o magalala sa sasabihin ng tao kung mapuna man nila ang ating ginagawang pagbabago kung ang pagbabago ay sa ikasasakdal ng bawat isa sa harap ng DIOS.

Matakot tayo sa PANGINOON at gumawa ng karapatdapat. Kung binago ng DIOS ang Kaniyang tipan, Bakit ayaw nating iwanan ang Kaniyang niluma at ganapin natin ang Kaniyang bagong tipan?

Ang Biblia o Evangelio ng DIOS ay hindi nangangailangan ng katulong na aklat upang mahayag sa atin ang katotohanan; Kilalanin nating Siya na Iisang DIOS na Tunay;

Gaya ng sinasabi sa JUAN 17:3

Joh 17:3 At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga'y si Jesucristo.


Kung sabagay si Felipe man ay hindi rin agad nakaunawa noon, at ganito ang pangyayari.

Joh 14:7-11 Kung ako'y nangakilala ninyo ay mangakikilala ninyo ang aking Ama: buhat ngayon siya'y inyong mangakikilala, at siya'y inyong nakita. 8 Sinabi sa kaniya ni Felipe, Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama, at sukat na ito sa amin. 9 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Malaon nang panahong ako'y inyong kasama, at hindi mo ako nakikilala, Felipe? ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama; paanong sinasabi mo, Ipakita mo sa amin ang Ama? 10 Hindi ka baga nananampalataya na ako'y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ang mga salitang aking sinasabi sa inyo'y hindi ko sinasalita sa aking sarili: kundi ang Ama na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. 11 Magsisampalataya kayo sa akin na ako'y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin: o kungdi kaya'y magsisampalataya kayo sa akin dahil sa mga gawa rin.


At sa JUAN 12:45 ay nagsalita ang PANGINOON.

Joh 12:45 At ang nakakita sa akin, ay nakakita doon sa nagsugo sa akin.


At sa mga taga COLOSAS 1:15-17

Col 1:15-17 Na siya ang larawan ng Dios na di nakikita, ang panganay ng lahat ng mga nilalang; 16 Sapagka't sa kaniya nilalang ang lahat na mga bagay, sa sangkalangitan at sa sangkalupaan, na mga bagay na nakikita at ang mga bagay na di nakikita, maging mga luklukan o mga pagsakop o mga pamunuan o mga kapangyarihan; lahat ng mga bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at ukol sa kaniya; 17 At siya'y una sa lahat ng mga bagay, at ang lahat ng mga bagay ay nangabubuhay dahil sa kaniya.


Ito ang Salita ng DIOS na Kaniyang isinugo sa lupa, na Siyang nagliligtas at nagpapagaling, na Siyang lumikha at sa pamamagitan ng Salitang ito nalikha ang lahat ng mga bagay, at ang lahat Niyang sinalita ay hindi masisira...

Masisira ang langit, masisira ang lupa; Datapuwat kudlit man ng Salita ng DIOS ay hindi masisira.

Ang sugo ng DIOS ay hindi nawawala;
Ang sugo ng DIOS ay hindi namamatay;

Kung Siya man ay bumabang tatlong araw sa kalaliman ay umahon Siyang muli pagkaraan ng tatlong araw.

O sa mababaw na pangungusap; Siya ay namatay at pagkatapos ng tatlong araw ay muli Siyang bumangon, upang ipakita Niya sa buong sanglibutan na pinagtagumpayan Niya ang kamatayan.

Sapagkat nasusulat sa 1CORINTO 15:26

1Co 15:26 Ang kahulihulihang kaaway na lilipulin ay ang kamatayan.


Nauunawaan ba natin kung bakit Niya ipinakita na Siya'y bumangon sa kamatayan? Upang ipakita Niya na magagawa Niya ang Kaniyang sinabi sa...


Joh 6:54 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan; at siya'y aking ibabangon sa huling araw.


Siya rin ang magbabangon sa lahat ng namatay sa Kaniyang pangalan, at aagaw sa alapaap sa mga aabutan Niyang buhay. Kaya ano ang tagubilin Niya upang ang tao ay huwag mailigaw ng mga nagpapanggap na sugo?


Heb 10:7 Nang magkagayo'y sinabi ko, Narito, ako'y pumarito (sa balumbon ng aklat ay nasusulat tungkol sa akin.) Upang gawin, Oh Dios, ang iyong kalooban.


Heb 10:9 Saka sinabi niya, Narito, ako'y pumarito upang gawin ang iyong kalooban. Inaalis niya ang una, upang maitatag ang ikalawa.


Ito ang Tunay na Sugo ng DIOS na nagayos ng pagbabago ng Kaniyang Tipan; Ang Kaniyang Salita na lumikha ng lahat ng bagay na Siyang nagbigay ng Kaligtasan sa tao; Doon sa lahat ng sa Kaniya'y sasampalataya...

AMEN