Mga kapatid; ang tao ay nabubuhay na kaakibat ang mga suliranin sa buhay, mula sa pangangalaga ng ating katawan at lahat ng mga pangangailangan nito.
Ang isang bagay na makapangyarihan sa ating lupang katawan na siyang napapanginoon sa atin na hindi natin natututulan ay ang gutom, sapagkat pumapatay dahil dito ay ipinipusag ng tao ang kaniyang katawan masustinihan lamang niya ito, at kung ito ay magkaroon na ng sapat at labis pa, ay iisipin na ng tao ang luho o layaw nito, lakas at kapangyarihan; Na ano iyan mga kapatid? Ang salapi na siyang kayamanan at kapangyarihan ng tao dito sa lupa, na siyang isipan ng tao at inaaring rurok ng tagumpay; sapagkat mabibili na niya ang lahat, hindi lamang ang lupa, malapalasyong tahanan, sarisaring sasakyan at maging ang karapatan ng kaniyang kapuwa pati ng buhay nito ay kaniyang binabayaran.
Hanggang sa isang araw ay dumating sa kaniyang buhay ang isang higit na makapangyarihan kaysa kaniya na kahit ang kaniyang kayamanan at kapangyarihan ay hindi makapigil dito.
Ano ito mga kapatid?
Ito ang karamdaman na gugupo sa kaniya, maghihiga sa kaniya at magraratay sa sakit ng buong katawan, hanggang sa hanapin niya ang lunas nito at galugarin ang buong mundo, datapuwat hindi niya masumpungan ang lunas ng kaniyang karamdaman hanggang ihatid niya ito sa kawalang pag-asa.
Sapagkat dahil sa kaniyang kalagayan sa lipunan ay nalimot niya ang DIOS na nagbibigay at nagaalis ng karamdaman, nagbibigay at nagaalis ng buhay.
Exo 15:26 At sinabi, Kung iyong didinggin ng buong sikap ang tinig ng Panginoon mong Dios, at iyong gagawin ang matuwid sa kaniyang mga mata, at iyong didinggin ang kaniyang mga utos, at iyong gaganapin ang lahat niyang mga palatuntunan ay wala akong ilalagay na karamdaman sa iyo, na gaya ng inilagay ko sa mga Egipcio: sapagka't ako ang Panginoon na nagpapagaling sa iyo.
Sino ang nagbibigay at nagaalis ng karamdaman mga kapatid? Ang PANGINOON. Kaya huwag isipin ng tao na ang kayamanan, kapangyarihan at karunungan ang nagliligtas at nagpapagaling ng kanilang mga karamdaman, kahit ang mga doktor man ay nagkakasakit at namamatay. Kahit sa pagkain mga kapatid, hindi ngayo't mayaman ka ang pagkain mo ang masustansiya at ang mahirap ay wala.
Exo 23:25 At inyong paglilingkuran ang Panginoon ninyong Dios, at kaniyang babasbasan ang iyong tinapay at ang iyong tubig; at aking aalisin ang sakit sa gitna mo.
Nakuha ba ninyo mga kapatid kung papaano pinangangalagaan ng DIOS ang Kaniyang mga lingkod? Kung pinaglilingkuran natin ng tapat ang PANGINOON, Kaniyang binabasbasan ang ating pagkain maging ang tubig na ating iniinum, at nagaalis pa ng ating mga karamdaman; ano pa mga kapatid, ano pa ang pagpapalang ginagawa ng DIOS sa mga lumalakad sa Kaniyang palatuntunan?
Pagpatuloy natin ang pagbabasa sa... EXODO 23:26-27
Exo 23:26-27 Walang babaing makukunan, o magiging baog man, sa iyong lupain: ang bilang ng iyong mga araw ay aking lulubusin. 27 Aking susuguin ang sindak sa unahan mo, at aking liligaligin ang buong bayan na iyong paroroonan, at aking patatalikurin sa iyo ang lahat ng iyong mga kaaway.
Ganyan mga kapatid ang pamamaraan ng DIOS sa pag-aaruga sa atin at pagpapagaling sa ating karamdaman, huwag nating ipilit ang sarili nating pamamaraan, na sabihin nating ganito ang gusto ko; para bang nananalangin tayo sa DIOS na ibigay sa atin ang hinihingi sa Kaniya sa paraang gusto natin; Hindi tayo humihingi ng ganoon mga kapatid, kundi naguutos!
Tingnan natin ang kasaysayan ng isang dakilang lalake noong panahon ng Siria sa aklat ng... 2HARI 5:1-17
2Ki 5:1-17 Si Naaman nga, na punong kawal ng hukbo ng hari sa Siria, ay dakilang lalake sa kaniyang panginoon, at marangal, sapagka't sa pamamagitan niya'y nagbigay ang Panginoon ng pagtatagumpay sa Siria: siya rin nama'y malakas na lalake na may tapang, nguni't may ketong. 2 At ang mga taga Siria ay nagsilabas na mga pulupulutong, at nagdala ng bihag na mula sa lupain ng Israel na isang dalagita; at siya'y naglingkod sa asawa ni Naaman. 3 At sinabi niya sa kaniyang babaing panginoon. Mano nawa ang aking panginoon ay humarap sa propeta na nasa Samaria! kung magkagayo'y pagagalingin niya siya sa kaniyang ketong. 4 At pumasok ang isa, at isinaysay sa kaniyang panginoon, na sinasabi, Ganito't ganito ang sabi ng dalagita na nagmula sa lupain ng Israel. 5 At sinabi ng hari sa Siria, Yumaon ka, yumaon ka, at ako'y magpapadala ng sulat sa hari sa Israel. At siya'y yumaon, at nagdala siya ng sangpung talentong pilak, at anim na libong putol na ginto, at sangpung pangpalit na bihisan. 6 At kaniyang dinala ang sulat sa hari sa Israel, na sinasabi, At pagka nga dumating sa iyo ang sulat na ito, ay talastasin mo na aking sinugo si Naaman na aking lingkod sa iyo, upang iyong pagalingin siya sa kaniyang ketong. 7 At nangyari, nang mabasa ng hari sa Israel ang sulat, na kaniyang hinapak ang kaniyang suot at nagsabi, Ako ba'y Dios upang pumatay at bumuhay, na ang lalaking ito ay nagsugo sa akin upang pagalingin ito sa kaniyang ketong? nguni't talastasin mo, isinasamo ko sa iyo, at tingnan mo kung paanong siya'y humahanap ng dahilan laban sa akin. 8 At nagkagayon, nang mabalitaan ni Eliseo na lalake ng Dios na hinapak ng hari sa Israel ang kaniyang suot, na siya'y nagsugo sa hari, na nagsabi: Bakit mo hinapak ang iyong mga kasuutan? paparituhin mo siya sa akin, at kaniyang malalaman na may isang propeta sa Israel. 9 Sa gayo'y naparoon si Naaman na dala ang kaniyang mga kabayo at ang kaniyang mga karo, at tumayo sa pintuan ng bahay ni Eliseo. 10 At si Eliseo ay nagsugo ng sugo sa kaniya, na nagsasabi, ikaw ay yumaon, at maligo sa Jordan na makapito, at ang iyong laman ay sasauli sa iyo, at ikaw ay magiging malinis. 11 Nguni't si Naaman ay naginit, at umalis, at nagsabi, Narito, aking inakalang, walang pagsalang lalabasin niya ako, at tatayo, at tatawag sa pangalan ng Panginoon niyang Dios, at pagagalawgalawin ang kaniyang kamay sa kinaroroonan, at mapapawi ang ketong. 12 Hindi ba ang Abana at ang Pharphar, na mga ilog ng Damasco, ay mainam kay sa lahat ng tubig sa Israel? hindi ba ako makapaliligo sa mga yaon, at maging malinis? Sa gayo'y pumihit siya at umalis sa paginit. 13 At ang kaniyang mga lingkod ay nagsilapit, at nagsipagsalita sa kaniya, at nagsabi, Ama ko, kung ipinagawa sa iyo ng propeta ang anomang mahirap na bagay, hindi mo ba gagawin? gaano nga kung sabihin niya sa iyo, Ikaw ay maligo, at maging malinis? 14 Nang magkagayo'y lumusong siya at sumugbong makapito sa Jordan, ayon sa sabi ng lalake ng Dios: at ang kaniyang laman ay nagsauling gaya ng laman ng isang munting bata, at siya'y naging malinis. 15 At siya'y bumalik sa lalake ng Dios, siya at ang buong pulutong niya, at naparoon, at tumayo sa harap niya: at siya'y nagsabi, Narito ngayon, aking talastas na walang Dios sa buong lupa, kundi sa Israel: isinasamo ko ngayon sa iyo na tanggapin mo ang kaloob ng iyong lingkod. 16 Nguni't kaniyang sinabi, Buhay ang Panginoon, na nakatayo ako sa harap niya, wala akong tatanggapin. At ipinilit niya sa kaniyang kunin; nguni't siya'y tumanggi. 17 At sinabi ni Naaman, Kung hindi, isinasamo ko pa sa iyo, na bigyan ko ang iyong lingkod ng lupang mapapasan ng dalawang mula; sapagka't ang iyong lingkod buhat ngayon ay hindi maghahandog ng handog na susunugin o hain man sa ibang mga dios, kundi sa Panginoon.
Sa kasaysayang ito ni Naaman mga kapatid, ano ang puna ninyo sa pangyayari na nais ipakita sa bawat isa sa atin?
Datapuwat hindi nangyari ang bagay na kaniyang inaasahan, inaasahan niyang hahawakan siya ni Eliseo at ipananalangin sa DIOS, datapuwat hindi nangyari yaon, sa halip ay inutusan siya na maligong pitong beses sa ilog ng Jordan at yaon ang nagpagaling sa kaniya.
Dito mga kapatid ay ipinakita lamang ng DIOS na iba ang paraan ng DIOS kaysa paraang iniisip ng tao.
Papaano ba natin mauunawaan ang mga bagay na ito mga kapatid?
Ang ibig lamang sabihin ng DIOS dito; tayo ay hindi nabubuhay sa ating sariling kagustuhan; at bagamat tayo'y binigyan Niya na makagawa ng sarili nating kagustuhan o our own freewill ay iba pa rin ang paraan ng DIOS sa paggawa kumpara sa ating paggawa, bakit mga kapatid?
Sapagkat sa kaniya'y walang kamalian, tayo'y punongpuno ng kamalian.
Sa DIOS ay walang kasinungalingan, ang tao ay lipos ng kasinungalingan. Kung ang iyong hanap buhay ay pagtitinda at ang gamit mong timbangan ay may daya, sa palagay mo kaya kapatid ay maidadalangin mo ang iyong tindahan sa DIOS para pagpalain?
Kung ikaw ay maghahanap ng pera, nagbihis ka ng magarang damit at ang pupuntahan mo ay kasino o sabong, maidadalangin mo ba sa DIOS ang iyong lakad upang pagpalain?
Luk 9:23-25 At sinabi niya sa lahat, Kung ang sinomang tao ay ibig sumunod sa akin, ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin sa arawaraw ang kaniyang krus, at sumunod sa akin. 24 Sapagka't ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay, ay mawawalan nito; datapuwa't sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin, ay maililigtas nito yaon. 25 Sapagka't ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan, at mawawala o mapapahamak ang kaniyang sarili?
Alam ba ninyo mga kapatid ang nais na ipaalam sa atin ng PANGINOON tungkol sa mga bagay na ito?
Hindi maaaring mabuhay ang tao sa kaunting mali at sa kaunting tama; sapagkat sa isa lamang tayo hahatulan ng DIOS.
Pagaralan natin ang mga talatang ito na ipinangaral ng ating PANGINOONG JESUCRISTO sa... MATEO 6:24-34
Mat 6:24-34 Sinoma'y hindi makapaglilingkod sa dalawang panginoon: sapagka't kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa: o kaya'y magtatapat siya sa isa, at pawawalang halaga ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Dios at sa mga kayamanan. 25 Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong mangabalisa sa inyong pamumuhay, kung ano baga ang inyong kakanin, o kung ano ang inyong iinumin; kahit ang sa inyong katawan, kung ano ang inyong daramtin. Hindi baga mahigit ang buhay kay sa pagkain, at ang katawan kay sa pananamit? 26 Masdan ninyo ang mga ibon sa langit, na hindi sila nangaghahasik, ni nagsisigapas, ni nangagtitipon man sa mga bangan; at sila'y pinakakain ng inyong Ama sa kalangitan. Hindi baga lalong higit ang halaga ninyo kay sa kanila? 27 At alin sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa sukat ng kaniyang buhay? 28 At tungkol sa pananamit, bakit kayo nangababalisa? Wariin ninyo ang mga lirio sa parang, kung paanong nagsisilaki; hindi nangagpapagal, ni nangagsusulid man: 29 Gayon ma'y sinasabi ko sa inyo, na kahit si Salomon man sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapaggayak na gaya ng isa sa mga ito. 30 Nguni't kung pinararamtan ng Dios ng ganito ang damo sa parang, na ngayon ay buhay , at sa kinabukasa'y iginagatong sa kalan, hindi baga lalonglalo na kayong pararamtan niya, Oh kayong mga kakaunti ang pananampalataya? 31 Kaya huwag kayong mangabalisa, na mangagsabi, Ano ang aming kakanin? o, Ano ang aming iinumin? o, Ano ang aming daramtin? 32 Sapagka't ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pinaghahanap ng mga Gentil; yamang talastas ng inyong Ama sa kalangitan na kinakailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. 33 Datapuwa't hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo. 34 Kaya't huwag ninyong ikabalisa ang sa araw ng bukas: sapagka't ang araw ng bukas ay mababalisa sa kaniyang sarili. Sukat na sa kaarawan ang kaniyang kasamaan.
Ano ang aral na nais ipatanggap sa atin ng DIOS sa mga Salitang Kaniyang ibinigay sa atin?
Huwag nating gamitin ang paraang nalalaman natin na nakakaapi sa ating kapuwa o paraang makapaminsala, kundi paraang nakakatulong, nakapagpapaginhawa sa ating kapuwa sapagkat iyon ang paraan ng DIOS, ang makabubuti at hindi makakasama...